MAYNILA — Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Linggo ang pagkasawi ng isang Filipina caregiver sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.
Sa isang video message na inilabas sa kanyang Facebook account, sinabi ng Pangulo na si Mary Ann Velasquez De Vera, tubong Basista, Pangasinan, ay nasawi sa isang airstrike sa Israel.
“Siya po ay isang caregiver sa Israel na tinutulungan ang kanyang alaga para dalhin sa bomb shelter ngunit hindi na po nakaabot sa bomb shelter at inabutan na sila bago sila nakarating,” pahayag ni Marcos.
Dagdag pa niya: “Siya ay namatay dahil tinamaan ng shrapnel ng mga bumagsak na bomba. Na-identify na po siya ng kanyang asawa na isang OFW din na nagtatrabaho sa Israel.”
Ayon sa Philippine Embassy in Israel, 32 taong gulang si De Vera at nagtatrabaho sa Israel mula pa noong 2019. Nasawi siya sa isang missile attack sa Tel Aviv noong gabi ng Pebrero 28.
Sa isang pahayag, sinabi ng embahada na kinumpirma ang pagkakakilanlan ni De Vera sa pamamagitan ng biometric records sa Abu Kabir Forensic Institute, kung saan positibong kinilala ang kanyang mga labi ng kanyang asawa na isa ring overseas Filipino worker (OFW) sa Israel.
Tiniyak naman ni Marcos na magbibigay ang pamahalaan ng lahat ng kinakailangang tulong sa pamilya ng nasawing caregiver.
Para sa mga emergency, maaaring makipag-ugnayan ang mga Pilipino sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga numerong (+632) 1348 (international), 1348 (Metro Manila), at (02) 1348 (regional at mobile).
Samantala, lumala ang tensyon sa rehiyon matapos magsagawa ng magkasanib na operasyong militar ang United States at Israel laban sa Iran noong Sabado. Ayon sa militar ng Israel, gumanti ang Iran sa pamamagitan ng mga missile strike laban sa teritoryo nito.
Opisyal namang tinawag ng Pentagon ang mga pag-atake ng Amerika bilang “Operation Epic Fury.”
Patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa kalagayan ng mga Pilipino sa Israel habang nananatiling mataas ang tensyon sa rehiyon.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





