Posibleng umabot sa ₱90 kada litro ang diesel — DOE

0
103

MAYNILA — Nagbabala ang Department of Energy (DOE) na posibleng pumalo hanggang ₱90 kada litro ang presyo ng diesel ngayong Marso kung magpapatuloy ang tumitinding tensyon sa Middle East at kung hindi ipatutupad ng mga oil company ang staggered o paunti-unting taas-presyo sa mga produktong petrolyo.

Ang pahayag ay ginawa ni Rino Abad, direktor ng Oil Industry Management Bureau ng DOE, sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations na pinamumunuan ni Erwin Tulfo.

Ayon kay Abad, mas malaki ang potensiyal na epekto ng kasalukuyang sigalot sa pagitan ng Estados Unidos at Iran kumpara sa naging epekto ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine noong 2022, na nagtulak sa presyo ng diesel sa Pilipinas hanggang halos ₱90 kada litro.

“Yung Ukraine-Russia, Mr. Chair, umabot tayo ng mga 90 (peso per liter) kasi. So, ayaw kong mag-project. Pero, ito’y mas masama pa do’n eh. Kasi dito, Middle East ang pinag-usapan,” pahayag ni Abad sa pagdinig.

Ipinaliwanag ng opisyal na kung ipapatupad ng mga oil company ang isang bagsakang pagtaas ng presyo, posibleng mabilis na umabot sa mahigit ₱80 kada litro ang diesel. Gayunman, kung hahatiin sa ilang linggo ang implementasyon ng pagtaas, maaaring mapabagal ang epekto nito sa mga motorista.

Malaking taas-presyo inaasahan

Batay sa datos mula sa oil industry sources, inaasahang tataas ng humigit-kumulang ₱15 kada litro ang diesel at mahigit ₱7 kada litro ang gasolina sa susunod na linggo, isa sa pinakamalalaking pagtaas sa nakalipas na mga buwan.

Ang pagtaas ay iniuugnay sa paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado, partikular sa benchmark na Mean of Platts Singapore (MOPS) na ginagamit bilang batayan ng presyo ng petrolyo sa Southeast Asia.

Nagkaroon na rin ng naunang pagtaas ng presyo noong Marso 3, kung saan nadagdagan ng ₱1.90 kada litro ang gasolina, habang tumaas din ang presyo ng diesel at kerosene sa parehong linggo.

Sa pandaigdigang merkado, patuloy na tumataas ang presyo ng langis dahil sa banta sa suplay mula sa Middle East, kabilang ang mga pangamba sa pagkaputol ng daloy ng langis sa Strait of Hormuz, na dinaraanan ng humigit-kumulang 20 porsiyento ng pandaigdigang oil trade.

Babala laban sa hoarding

Samantala, nagbabala si Sharon Garin laban sa mga negosyante o indibidwal na maaaring magtago o mag-imbak ng malaking suplay ng petrolyo upang samantalahin ang sitwasyon.

Ayon sa DOE, nakatanggap na sila ng inisyal na ulat ng posibleng iregularidad sa fuel supply at retail practices sa ilang lugar sa Luzon at Mindanao, na kasalukuyang iniimbestigahan ng ahensiya.

Nakikipagtulungan na rin ang DOE sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa Philippine National Police (PNP) upang paigtingin ang monitoring at maiwasan ang hoarding at profiteering.

Binigyang-diin ng DOE na patuloy nilang binabantayan ang galaw ng pandaigdigang merkado ng langis at hinihikayat ang mga oil company na magpatupad ng staggered price adjustments upang mabawasan ang agarang epekto ng pagtaas ng presyo sa mga motorista at sa transport sector.

Ayon sa ahensiya, mananatiling volatile ang presyo ng langis sa mga susunod na linggo habang nagpapatuloy ang tensyon sa Middle East na may direktang epekto sa pandaigdigang suplay ng petrolyo.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.