DEPDev: Posibleng bumaba ng P6 – P10 kada litro ang presyo ng langis pag sinuspindi ang fuel excise tax

0
115

MAYNILA — Maaaring bumaba ng hanggang P6 kada litro ang presyo ng diesel at P10 kada litro naman para sa gasolina kung ipatutupad ang suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo, ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev).

Inihayag ni DEPDev Undersecretary Rosemarie Edillon ang mga tinatayang pagbaba ng presyo sa isang briefing ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa harap ng House ways and means committee nitong Lunes.

Ang hakbang ay kasabay ng pagtalakay sa hindi bababa sa limang panukalang batas na layong bigyan ng kapangyarihan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pansamantalang suspendihin o bawasan ang fuel excise tax sa panahon ng emergency situations, gaya ng patuloy na tensyon at labanan sa Middle East.

Ipinaliwanag ni Edillon na nagsagawa ang DEPDev ng simulation para sa dalawang posibleng senaryo ng galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sa unang senaryo, inaasahang aabot sa $98 o hindi bababa sa $80 kada bariles ang average cost ng Dubai crude oil hanggang Abril. Sa ikalawang senaryo naman, itinuturing na worst-case scenario kung saan maaaring pumalo sa $140 kada bariles ang average cost ng Dubai crude oil dahil sa matagal na pagsasara ng Strait of Hormuz isang mahalagang rutang dinadaanan ng humigit-kumulang 20% ng seaborne oil trade sa buong mundo.

“We simulated the impact of an excise tax suspension. We know that for regular gasoline, its P10 pesos per liter. And then for diesel, P6 pesos per liter. With excise tax suspension under scenario 1, the average cost of diesel at P74.22 pesos per liter will go down to P67.50 per liter. And then for April, from P67.33, it could go down to P60.61,” Edillon said.

Ayon pa sa opisyal, kung ipatutupad ang suspensyon ng excise tax, posibleng bumaba ang presyo ng gasolina mula P70.20 kada litro hanggang P59 kada litro ngayong Marso sa ilalim ng unang senaryo.

Sa ikalawang senaryo naman, sinabi ni Edillon na ang average diesel price na maaaring umabot sa P96.76 kada litro sa Marso ay maaaring bumaba sa P90.04 pesos per liter kung isasagawa ang suspensyon ng buwis.

Dagdag pa niya, inaasahang bababa sa P91.19 pesos per liter ang average diesel price pagsapit ng Abril, ngunit maaari pa itong bumaba sa P84.47 kung isususpinde ang fuel excise taxes.

Para naman sa gasolina sa ilalim ng ikalawang senaryo, ang average cost na P64.59 kada litro sa Abril ay posibleng bumaba sa P53.39 per liter.

“In terms of incidence of the impact, of course, the effect on diesel users is greater on the lower income class, but there is also a spillover. Whereas, for gasoline, it’s more or less shared across. It’s almost uniform,” Edillon said.

Samantala, sinabi ng Malacañang nitong Lunes na pormal na hihiling si Pangulong Marcos sa Kongreso ng emergency powers upang mabawasan ang excise taxes sa fuel products sa gitna ng patuloy na tensyon sa Middle East.

Sa kabila nito, inaasahang haharap ang mga motorista sa panibagong malaking oil price hike ngayong Martes, ang ikasiyam na sunod na linggo ng pagtaas para sa gasolina at ika-11 linggo naman para sa diesel at kerosene.

Batay sa datos na inilabas ng Department of Energy (DOE), inaasahang magtataas ang mga retailer ng presyo ng gasolina ng P7.00 hanggang P13.00 kada litro, diesel ng P17.50 hanggang P24.25 kada litro, at kerosene ng P32.00 hanggang P38.50 kada litro.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.