MAYNILA — Umabot na sa 343 Pilipino mula sa Middle East ang umuwi sa Pilipinas nitong Linggo bilang bahagi ng patuloy na repatriation program ng pamahalaan para sa mga overseas Filipino na naapektuhan ng lumalalang sigalot sa rehiyon.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), dumating ang mga repatriate sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 bandang alas siyete ng umaga sakay ng chartered flight na inorganisa ng ahensya.
Sinabi ni OWWA Administrator PY Caunan sa isang press briefing na ang mga Pilipinong umuwi ay nagmula sa Bahrain, Al Khobar, at Riyadh sa Saudi Arabia. Marami sa kanila ay kinategoryang “distressed Filipinos,” o mga manggagawang nangangailangan ng agarang tulong at repatriation dahil sa sitwasyon sa rehiyon.
Habang hinihintay ang kanilang pag-uwi, nakatanggap na umano ang ilan sa kanila ng tulong mula sa pamahalaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga opisina ng OWWA at ng Department of Migrant Workers (DMW) sa kanilang host countries.
Samantala, muling tiniyak ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na may nakahandang reintegration assistance ang pamahalaan para sa mga nagbabalik na overseas Filipino workers (OFWs). Kabilang dito ang job fairs, livelihood assistance, at mga reskilling program sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang matulungan silang makahanap ng bagong kabuhayan sa bansa.
Bukod dito, makatatanggap din ang mga repatriate ng serbisyong medikal mula sa Department of Health (DOH) bilang bahagi ng kanilang reintegration at welfare support.
Ayon pa kay Caunan, may mga Pilipino rin mula sa Kuwait na nakatawid na patungong Riyadh at inaasahang iuuwi sa Pilipinas sa mga susunod na araw bilang bahagi ng susunod na batch ng repatriation flights.
Mas maaga ring dumating nitong Linggo sa NAIA Terminal 3 ang 26 OFWs at siyam na miyembro ng kanilang pamilya mula sa Qatar.
Noong Sabado naman, iniulat ng DMW na may 442 Pilipino — kabilang ang 200 OFWs — ang dumating sa NAIA Terminal 3 sakay ng hiwalay na chartered flight.
Sa kabuuan, umabot na sa 1,022 OFWs at 293 dependents ang naiuwing Pilipino mula Marso 5 hanggang Marso 14 sa ilalim ng repatriation efforts ng pamahalaan.
Pinalakas ng gobyerno ang repatriation program matapos lumala ang tensyon sa Middle East kasunod ng koordinadong pag-atake ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran noong Pebrero 28, na nagpalala sa seguridad sa ilang bansa sa rehiyon.
Patuloy namang minomonitor ng pamahalaan ng Pilipinas ang sitwasyon at nananatiling nakahanda ang mga embahada at konsulado ng bansa upang tulungan ang mga Pilipinong nais umuwi habang nagpapatuloy ang kaguluhan sa Middle East.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






