Sinuspinde ni Marcos ang itinakdang taas-pasahe sa PUVs

0
87

MAYNILA – Sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakatakdang pagtaas ng pamasahe sa mga public utility vehicle o PUV na dapat sana ay magsisimula ngayong Huwebes, Marso 19, bilang tugon sa nararanasang epekto ng tensyon sa Middle East sa presyo ng langis at sa gastusin ng publiko.

Ayon sa Pangulo, hindi aniya napapanahon ang pagpapatupad ng dagdag-pasahe habang nahaharap ang bansa sa posibleng dagdag-pasakit dulot ng giyera sa Middle East.

“Sa aking palagay dahil nga eh may problema pa rin tayo dahil sa giyera sa Middle East ay sabi ko siguro hindi ito ang panahon para magtaas ng pamasahe para sa ating mga kababayan,” pahayag ni Marcos.

Sinabi ng Pangulo na inatasan na niya ang Department of Transportation (DOTr) na ipagpaliban ang taas-pasahe at tiyaking magpapatuloy ang pag-alalay sa mga commuter at iba pang gumagamit ng pampublikong transportasyon.

Kasabay nito, tiniyak din ni Marcos na mamadaliin ng pamahalaan ang pagbibigay ng karagdagang suporta sa mga transport worker na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.

“Huwag pong mag-alala ang ating mga transport workers dahil mamadaliin po namin, dadagdagan po namin ang suporta sa inyo para naman ay hindi kayo masyadong mahirapan,” ani ng Pangulo.

Inatasan din niya ang DOTr na simulan ang pagpapatupad ng libreng sakay upang makatulong sa pagpapababa ng gastusin ng mga commuter. Bukod dito, magkakaroon din umano ng diskuwento sa pamasahe sa MRT at LRT.

Ayon pa kay Marcos, magpapatupad din ng diskuwento sa mga toll road upang mabawasan ang bayarin ng mga motorista.

“Bukod pa roon sa mga toll road ay meron din tayong inutos na diskwento para mas maliit na ngayon ang bayad ng taong bayan sa paggamit ng mga toll road,” dagdag niya.

Binigyang-diin ng Pangulo na patuloy umanong naghahanap ang pamahalaan ng mga panibagong hakbang upang mapanatili ang normal na pamumuhay ng mga mamamayan sa gitna ng tumataas na gastusin at mga pandaigdigang pangyayari.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.