MAYNILA — Kinumpirma ng mga kompanya ng langis na maaaring hanggang Abril na lamang tumagal ang supply ng petrolyo sa bansa dahil sa patuloy na kaguluhan sa Middle East, habang kinuwestiyon naman sa Senado ang umano’y bilyon-bilyong kinikita ng industriya sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.
Sa pagdinig ng Senate committee sa ilalim ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT), inihayag ni Tanya Samillano, pangulo ng Independent Philippine Petroleum Companies Association, na ang fuel deliveries para sa kanilang mga miyembro ay nakatakda lamang hanggang Abril.
Kabilang sa mga miyembro ng asosasyon ang Eastern Petroleum, FilOil, SeaOil, UniOil, Flying V, at LiquiGaz.
Ayon kay Samillano, wala pang kumpirmasyon sa mga susunod na importasyon matapos ang Abril. “Future importation tenders haven’t been confirmed up to now. It’s on a ‘wait and see’. Although there are some offers available in the market, but the price is very high,” aniya.
Sinabi naman ni Pongtorn Tangmanuswong ng Chevron Philippines Inc. na ang kanilang imbentaryo ay tatagal lamang hanggang huling linggo ng Abril. “Right now, the issue is pretty much on the pricing. The supply is tight, but for Chevron, it’s still manageable at least for March and April,” pahayag niya.
Nagbabala rin si Lorelie Quiambao-Osial ng Shell Pilipinas Corp. na kung magpapatuloy ang tensyon sa Middle East, maaaring humantong ito sa limitadong suplay ng produktong petrolyo sa buong mundo.
Samantala, sinabi ni Johann Marc Aseoche ng Jetti Petroleum, Inc. na nahihirapan silang panatilihin ang suplay, na sa kasalukuyan ay tinatayang tatagal na lamang ng hanggang 20 araw. Gayunman, may paparating silang bagong shipment mula sa Malaysia, China, at South Korea.
“Fortunately, we have kept all our stations open. There is still adequate supply, so wala pa pong nagsasara sa aming network of stations,” ani Aseoche.
Tanging ang Petron Corporation ang nagsabing maaaring umabot hanggang Mayo ang kanilang suplay.
Sa parehong pagdinig, binigyang-diin ni Rodante Marcoleta na hindi umano bababa sa P3 bilyon kada araw ang kinikita ng mga oil companies mula nang sumiklab ang krisis sa Middle East, kasunod ng mabilis na pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina.
Ipinaalala ni Marcoleta ang naunang pahayag ng Malacañang na mayroong hanggang 60 araw na imbentaryo ang mga kompanya ng langis. Gayunman, aniya, makalipas lamang ang dalawang linggo ay lumobo na sa mahigit 120 porsiyento ang itinaas ng presyo kada litro ng diesel at gasolina.
Batay sa datos ng Department of Energy, umaabot sa 32.5 milyong litro ng diesel at 23.3 milyong litro ng gasolina ang arawang konsumo ng bansa.
“So after two weeks, yung P55 per liter tumaas ng average na P125 (per liter)… nagkaroon ng increase ng P70 per liter… after two weeks that’s 127%,” paliwanag ni Marcoleta.
Dagdag pa niya, kung pagbabatayan ang konsumo, tinatayang umaabot sa P2.32 bilyon kada araw ang gross income mula sa diesel pa lamang. “Kasi kinuha po ninyo sa inventory. Wala pa naman ‘di pa naman umaangkat, two weeks pa lang ang nakakaraan [ng giyera],” aniya.
Sa gasolina naman, sinabi ni Marcoleta na mula sa P50 kada litro bago ang krisis ay umabot ito sa P80 kada litro matapos ang dalawang linggo, katumbas ng 67 porsiyentong pagtaas. Ayon sa kanya, nasa 4.5 milyong bariles ng gasolina ang buwanang konsumo ng bansa.
Kung pagsasamahin ang kita mula sa diesel at gasolina, tinatayang aabot sa P3 bilyon kada araw ang gross income ng mga oil companies sa loob lamang ng unang dalawang linggo ng krisis, ayon kay Marcoleta.
Sa kabila ng mga paliwanag ng industriya hinggil sa limitadong suplay at mataas na presyo sa pandaigdigang merkado, nananatiling sentro ng pagdinig ang epekto ng krisis sa Middle East sa lokal na suplay at presyo ng langis, pati na rin ang panawagan para sa mas mahigpit na pagbabantay sa galaw ng presyo ng produktong petrolyo.

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






