Agro-industrial zone project sa San Pablo, dapat sunggaban ngunit inaasahang walang ‘maritatas’

0
393

Binusisi sa idinaos na unang public hearing ang kahilingan ni San Pablo City Mayor Najie Gapangada na magpalabas ng isang resolusyon na magbibigay sa kanya ng awtoridad upang mangutang at bilhin ang mga lupang kailangan para sa itatayong City Agro-Industrial Park, sa tumataginting na halagang ₱1.8 bilyon para sa 117.31 ektaryang lupa.

Hindi lamang isang simpleng proyekto ang planong ₱1.8 bilyong loan para sa pagtatatag ng isang agro-industrial park sa San Pablo City. Ito ay isang kritikal na hakbang upang ihabol ang lungsod sa mga progresibong siyudad sa CALABARZON tulad ng Lipa City, Sto. Tomas, Santa Rosa, Cabuyao, Tanauan at iba pa na matagal nang nakikinabang sa mabilis na pag-unlad ng industriya, logistics, at pamumuhunan.

Sa kasalukuyan, ramdam ng lahat na matagal nang naiwan sa agos ng modernisasyon ang San Pablo. Habang ang Lipa at Sto. Tomas ay naging industrial hub dahil sa kanilang strategic location na malapit sa SLEX at Batangas Port. Ang Santa Rosa ay nangunguna ngayon bilang tech at manufacturing center, at ang Tanauan ay patuloy na lumalakas sa industrial investments, habang ang San Pablo ay nananatiling nakanganga sa gilid ng malalaking economic corridors na ito.

Masaklap na katotohanan na maraming San Pableño ang araw-araw na nagko-commute patungong Lipa, Sto. Tomas, Santa Rosa, Tanauan at kung saan-saan pa para lamang magtrabaho. Ilang oras ang sinasayang nila sa biyahe, dagdag gastos sa pamasahe at pagod, dahil kulang ang lokal na trabahong may sapat na kita sa sariling lungsod. Napapagkaitan sila ng oras para sa pamilya. Sa madaling salita, ang yaman ng labor force ng San Pablo ay na-e-export sa ibang lungsod, habang ang sariling ekonomiya ay hindi masyadong nakikinabang. Binigyang-diin ito ni Ka Pening Agoncillo, isang beteranong negosyante, sa ginanap na hearing.

Inaasahang magbibigay ng libo-libong trabaho sa San Pableños ang agro-industrial park na ito, mula sa farm production, food processing, cold storage, hanggang sa logistics at export support services. Sa halip na araw-araw na bumiyahe sa ibang lungsod, maaaring dito na mismo sa San Pablo makahanap ng disenteng trabaho ang marami.

Hindi maitatanggi na may “awkward distance” ang San Pablo mula sa Metro Manila at Port of Manila, na humigit-kumulang 85 hanggang 95 kilometro ang layo depende sa ruta. Sa loob ng maraming taon, ito ang naging hamon sa logistics at sa pagpasok ng malalaking negosyo. Ngunit nagbago na ang laro sa unti-unting pagbubukas at pagpapalawak ng South Luzon Expressway Toll Road 4 (SLEX TR4), na mag-dudugtong mula Sto. Tomas, Batangas hanggang Lucena, Quezon.

Kapag natapos ito, mas magiging mas mabilis ang access ng San Pablo patungo sa Metro Manila at Batangas. Ibig sabihin, bababa ang transport cost, bibilis ang galaw ng produkto, at mas magiging attractive ang lungsod sa mga investors sa agribusiness at manufacturing sectors. Sa totoo lang, ang agro-industrial zone ay hindi lamang posible kundi isang strategic necessity na matagal nang dapat naitatag.

Sa isinagawang public hearing, lumutang ang mga isyu tungkol sa fiscal risk at transparency ng ₱1.8 bilyong loan. Ganoon pa man, ang ilan sa mga dumalong city councilors ay nagpakita ng suporta sa proyekto. Dagdag pa rito, ang Veterans Bank, Land Bank of the Philippines, at Development Bank of the Philippines (DBP) ay nagsabi na ang proyekto ay “creditworthy” at handa silang pondohan ang buong halaga ng loan, isang malinaw na indikasyon ito ng kumpiyansa sa kakayahan ng lungsod na buksan at pamahalaan ito.

Sa kabilang banda, malinaw din sa sentimyento ng publiko na bagaman maganda at napapanahon ang konsepto ng agro-industrial park, sa tingin nila ay mahalaga ang transparency sa buong proseso. Nais tiyakin ng mamamayan na ang proyekto ay wagas para sa kapakanan ng taumbayan at hindi daan lamang para makinabang ang iilan sa komisyon o kickbacks. Nakasalalay ang tiwala nila sa malinaw, bukas, at accountable na pamamahala. Inaasahan din ng publiko na ang executive at legislative ay lalabas na malinis sa proyektong ito at walang sinuman ang dapat makinabang sa “maritatas.”

Sakaling makabili ng lupa, ano ang magiging proseso ng zoning change n’yan sa Sangguniang Panlungsod?

May mga ahente bang papaldo sa bilihan ng lupa? Normal ang komisyon ng mga ahente na 3%–5% sa pagbili ng lupa. Pero sa mga proyektong pinopondohan ng LGU, kailangang ito ay fully transparent, lisensyado, dokumentado, at sumusunod sa mga patakaran ng audit.

Sa pulso ngayon ng masa, matingkad ang indikasyon na duda sila. Kayo na rin ang nagsabi na ibinibintang sa inyo ang ‘dating kalakaran.’ Kaya naman hinahanap nila ang lapat ng ‘maiba naman.” Dahil sa pakiramdam nila, may mga alagang card. Kaya nga ang tanong nila ay “Uy, parang may tinatago ka ah… Tongits na ba ‘yan?” Dapat itong sagutin nang malinaw.

Kung hindi ito maaprubahan ng Sangguniang Panlungsod, malinaw ang magiging kapalit. Ang San Pablo ay mananatiling nakalubog sa kumunoy ng mabagal na pag-unlad, habang ang mga karatig-lungsod ay namamayagpag sa progreso, trabaho, at pamumuhunan.

Sa panig ng konseho, ang desisyon ay hindi lamang technical o political, kundi isang direktang pananagutan sa hinaharap ng lungsod. Sa panahong ito na ang CALABARZON ay patuloy na nagiging industrial powerhouse ng bansa, ang pag-aalangan ay maaaring magdulot ng permanenteng pagkakulelat ng San Pablo sa mga oportunidad na matagal nang hinihintay ng mamamayan.

Puwede namang mag-de-risk ang LGU sa pagsisimula ng agro-industrial park para patunayan ang potensyal ng lugar para sa pag-unlad at ipakita na may demand o locators at may matibay na LGU policies. Ito ang susungkit sa kumpiyansa ng mga private investors para mangapital sa mas malalaking proyekto.

Baka kaya naiwanan na ang San Pablo sa kangkungan ay dahil sa kahihintay sa private developers na hindi na talaga nagpaparamdam.

Ang tanong ay hindi lamang kung may risk ang ₱1.8 bilyong proyekto, kundi kung hanggang kailan dapat maghintay ang San Pableños habang patuloy silang bumibiyahe araw-araw papunta sa kung saan-saang lugar para maghanapbuhay at bumuhay ng pamilya.

Ang desisyon sa proyektong ito ay maaaring magbukas ng bagong yugto ng pag-unlad, o tuluyang magsara sa pinto at mga bintana ng kinabukasan ng San Pablo.

Pagod na ang San Pableño ngunit nananatiling nakabantay. Pinakikiramdaman nila kung ito ba ay atakeng ‘maiiba naman’ o ‘lumang sistema’ pa rin ang mga banat.

Ang pagdududa sa integridad ng proyekto ay maaaring magpahina sa suportang kailangan nito para magtagumpay. Kaya mahalaga ang ganap na transparency at malinaw na accountability sa bawat phase, mula sa land acquisition hanggang sa operasyon. Hinihiling ng taumbayan ang paglalatag ng kapani-paniwala at independent na investment feasibility study at market study. Dapat ding kasama rito ang malinaw na risk assessment at anticipated benefits para matiyak na hindi lamang ito ambisyosong plano kundi isang proyektong may matibay na batayan at totoong may pakinabang sa publiko.

Hindi kailangang magalit, mapikon, makipagdebate, manlait, magpayabangan, magpatalinuhan o mang-asar. Ang matuwid na liderato, bukod sa may pasensya, ay mahinahon at may kababaang-loob. I-neutralize na lang ang impluwensya sa pagiging credible. Huwag laging reactive. Magpokus sa malawak na audience kaysa magpaapekto sa ingay. Ilatag ang lahat ng baraha.

Kung hindi matuloy ang agro-industrial park o kung matuloy man at pumalpak, ang unang huhusga sa mga opisyal ay ang mismong taumbayan sa pamamagitan ng kanilang boto sa susunod na eleksyon. Dadaan ito sa political accountability, kaya walang dapat ipangamba ang mga nakaupo kung talagang sinsero sila sa kanilang mga ipinaglalaban at sinasabi.

Good intentions mean little when poorly explained or misunderstood.

*“Maritatas” – a colloquial term in San Pablo referring to kickbacks, commissions, or other illicit gains from projects or transactions.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.