Romualdez itinanggi ang papel sa graft sa 2025 budget; itinuro sina Escudero at Co

0
105

MAYNILA — Itinanggi ni Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez ang anumang pagkakasangkot sa umano’y katiwalian kaugnay ng 2025 national budget. Iginiit na walang ebidensiya na magpapatunay na siya ay sangkot sa “plunder, conspiracy to commit plunder, or any similar offense that the Ombudsman may be contemplating against me.”

Naglabas ng video statement si Romualdez matapos ihayag ng Office of the Ombudsman na humiling ito sa Sandiganbayan na maglabas ng preventive hold departure order laban sa kanya.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, tinanggihan ang kahilingan ni Romualdez na bumiyahe patungong Singapore para sa medical check-up, sa gitna ng umiiral na lookout order laban sa mga iniimbestigahan.

Isinasailalim sa imbestigasyon si Romualdez kaugnay ng umano’y plunder at money laundering na may kinalaman sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.

Bilang tugon, sinabi ni Romualdez na pahihintulutan niyang ilabas sa publiko ang kanyang affidavit at mga kalakip na dokumento upang aniya ay makita ng mamamayan kung sino ang naging transparent at kung sino ang umano’y may motibong pulitikal.

“How can I be the mastermind? I was the former Speaker of the House of Representatives. But the House of Representatives is only part of one branch of government: the legislature,” ani Romualdez.

Iginiit din niya na kung siya ang utak ng anomalya, dapat ay nakinabang ang kanyang distrito sa Tacloban, ngunit wala umanong “ghost project” doon. Hinamon pa niya ang publiko na suriin ang lahat ng proyektong maiuugnay sa kanya.

Dagdag pa niya, hindi siya bahagi ng bicameral conference committee at ng tinatawag na small committee kung saan umano isinagawa ang mga “insertions” sa badyet.

“With respect to how the budget was deliberated in Congress, let me say this categorically: I was not a part of the BiCam and the Small Committee budget deliberations,” aniya.

Sa halip, itinuro ni Romualdez sina Francis Escudero at Zaldy Co bilang may mahalagang papel sa paghubog ng mga desisyon sa badyet. Wala pang pahayag ang kanilang kampo sa oras ng paglalathala.

Binigyang-diin din ni Romualdez na ang “command responsibility” sa implementasyon ng badyet ay nasa ehekutibong sangay ng pamahalaan.

“If corruption were to occur on the scale alleged in recent months, it is clear that it would not happen at the level of general legislative approval alone. It happens at the level of execution of the General Appropriations Act,” aniya.

Samantala, ipinaliwanag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na ang paghingi ng hold departure order ay bahagi ng hakbang upang matiyak na hindi makakaiwas sa proseso ang respondent habang nakabinbin ang reklamo.

“They do not want the respondent to abscond and evade office processes,” ani Clavano.

Inihayag din ng Ombudsman na inindorso na sa Anti-Money Laundering Council ang reklamo upang hilingin ang freeze order sa mga ari-arian ni Romualdez, bagamat aminado si Remulla na hindi ito madaling makamit dahil sa lakas ng legal na depensa ng kampo ng mambabatas.

Sa panig ng kampo ni Romualdez, sinabi ng kanyang abogado na si Atty. Ade Fajardo na wala pang pormal na aplikasyon para sa freeze order at wala ring nakabinbing kaso laban sa kanyang kliyente sa kasalukuyan.

“Representative Romualdez sought travel authority in all good faith and this authority has been granted. This underscores his full compliance with the law and negates any insinuation of flight risk,” ani Fajardo.

Binigyang-diin din niya na ang anumang pahayag tungkol sa mga kasong “inihahanda pa lamang” ay hindi nangangahulugan ng aktuwal na prosekusyon.

Sa kabila ng mga akusasyon, tiniyak ni Romualdez na haharapin niya ang mga ito sa tamang proseso at hindi siya papayag na gawing “scapegoat.”

“I will not be the fall guy for other people’s corruption,” aniya.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.