Sisimulan na sa plenaryo ang impeachment laban kay VP Sara Duterte

0
71

MAYNILA — Nagkaisa ang House Committee on Justice noong Lunes sa pag-apruba ng committee report at resolusyon na naglalaman ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, na nagbubukas ng daan para sa plenary vote sa Kamara.

Ayon kay Justice Committee chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro, buong 55 miyembro ng komite na dumalo nang personal ang bumoto pabor sa pag-apruba ng report at kalakip na resolusyon.

“Let it be placed on the record that 55, out of 55 Justice members physically present, manifested their support to the approval of the Committee Report, to the attached resolution setting forth the Articles of Impeachment, as amended. The Chair therefore declares the motion unanimously approved,” pahayag ni Luistro.

Naganap ito ilang araw matapos ding aprubahan ng komite ang mosyon hinggil sa pagkakaroon ng probable cause para sa impeachment.

Giit ni Luistro, sinunod ng komite ang itinatadhana ng Konstitusyon sa bawat hakbang ng proseso.

“Sinunod natin ang Konstitusyon. Hindi tayo nagmadali; hindi tayo nag-shortcut. Bawat salita, bawat ebidensiya, hinarap natin nang buong pag-iingat at pananagutan.”

“Kung may sala, hayaan nating ang katotohanan ang maghatol. Kung inosente, hayaan nating ang proseso ang maglinis. Ngunit dapat ito’y gawin sa liwanag ng hustisya, hindi sa anino ng katahimikan,” dagdag niya.

Inihain ang mosyon ni Deputy Speaker Jayjay Suarez ng 2nd District ng Quezon at sinang-ayunan ng lahat ng miyembro ng komite, walang tumutol.

Matatandaan na nagsagawa ang Justice Committee ng walong pagdinig kung saan sinuri ng mga mambabatas ang mga testimonya, dokumento, at digital evidence. Umabot sa 22 ang mga tumestigo, kabilang ang National Bureau of Investigation (NBI), Commission on Audit (COA), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Kabilang sa mga isyung inilahad ang umano’y culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, korapsyon, at iba pang high crimes.

Sa ilalim ng proseso, kinakailangan ang boto ng isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara upang ma-impeach si Vice President Duterte bago ito maisalang sa Senado para sa pormal na paglilitis.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.