ICC warrant laban kay Bato dela Rosa, hindi pa kumpirmado

0
64

MAYNILA — Kumakalat ang mga ulat na diumano’y naglabas na ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng imbestigasyon sa madugong kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyong Duterte.

Ayon sa ilang source na sinipi ng media organizations, nasa bansa na rin umano ang mga kinatawan ng International Criminal Police Organization o Interpol upang makipag-ugnayan sa mga awtoridad sakaling ipatupad ang nasabing warrant.

Gayunman, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa ICC hinggil sa naturang ulat habang isinusulat ang balitang ito. Nauna dito ay iniulat ng ilang media outlet na sinabi ng ICC spokesperson na wala pang inilalabas na pampublikong arrest warrant laban kay dela Rosa.

Si dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police at isa sa pangunahing nagpapatupad ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kabilang sa mga pinangalanang “co-perpetrators” sa mga dokumentong inihain ng ICC prosecution kaugnay ng kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, sinabi ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na naghahanda umano ang pamahalaan para sa posibilidad ng pagpapatupad ng warrant kung ito ay opisyal na mailabas at maipadala sa mga kinauukulang ahensya.

Ayon kay Remulla, nakahanda ang isang 10,000-member task force para sa posibleng “dragnet operations” sakaling makatanggap ng pormal na kautusan kaugnay ng senador.

Hindi naman nagbigay ng dagdag na detalye ang kalihim hinggil sa posibleng deployment at operasyon ng task force.

Inamin din ng DILG at iba pang opisyal ng gobyerno na wala pa silang natatanggap na opisyal na kopya ng warrant mula sa ICC.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.