CIDG, sinisilip ang posibleng homicide o Anti-Hazing Act sa pagkamatay ng dalawang Ateneo basketball players

0
70

DIPACULAO, Aurora — Iniimbestigahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang posibleng homicide o paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 kaugnay ng pagkamatay ng dalawang Ateneo de Manila University men’s basketball players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili noong Hunyo 8 sa isang team-building activity sa baybayin ng Dipaculao, Aurora.

Ayon kay CIDG Director Police Maj. Gen. Robert Morico II, patuloy na nagbabago ang direksyon ng imbestigasyon habang nagpapatuloy ang pagsusuri ng testimonya mula sa mga saksi at sangkot sa insidente.

Aniya, maaaring pumasok sa kaso ang Article 249 ng Revised Penal Code o ang Anti-Hazing Act, depende sa magiging resulta ng mga isinasagawang interbyu at beripikasyon.

Namatay ang dalawang varsity players dahil sa asphyxia by drowning habang nakikilahok sa naturang team-building activity. Sa naunang ulat ng Aurora Police Provincial Office, walang nakitang anumang bagay o pabigat na nakatali sa katawan ng mga biktima nang marekober ang mga ito.

Nauna ring iniulat na isinagawa ang aktibidad ng Ateneo Blue Eagles men’s basketball team humigit-kumulang 300 metro mula sa dalampasigan, sa kabila ng paalala umano ng resort management na gawin ito sa mas ligtas na bahagi ng tubig.

Una nang sinabi ng mga imbestigador mula sa Aurora police na wala silang nakitang indikasyon ng foul play at itinuturing itong aksidenteng pagkalunod.

Gayunman, nilinaw ng CIDG na saklaw ng Anti-Hazing Act of 2018 hindi lamang ang mga fraternity at sorority kundi pati iba pang organisasyon, kabilang ang mga school-based groups at training programs.

Sa ilalim ng batas, ipinagbabawal ang hazing sa anumang organisasyon sa paaralan, kabilang ang mga gawaing maaaring magdulot ng pisikal o sikolohikal na pinsala tulad ng sapilitang ehersisyo, pisikal na pananakit, o exposure sa panganib.

Samantala, kinumpirma ng Ateneo de Manila University na nagbitiw sa puwesto si head coach Tab Baldwin at team manager Epok Quimpo sa gitna ng isinasagawang institutional review ng unibersidad.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang hinihintay ang karagdagang resulta ng mga interbyu at ebidensyang makapagpapalinaw sa insidente.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.