MANILA – Patuloy na pinalalakas ng Tropical Depression Haishen ang Southwest Monsoon o Habagat na nagdadala ng pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon, habang inaasahang papasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) at tatawaging “Josie,” ayon sa pinakahuling abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa Tropical Cyclone Advisory ng PAGASA, 4:00 ng hapon noong Lunes, Hulyo 13, namataan ang sentro ng Tropical Depression Haishen sa layong humigit-kumulang 1,205 kilometro silangan ng Eastern Visayas, nasa labas pa ng PAR. Taglay nito ang pinakamalakas na hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilagang-kanluran.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Grace Castañeda-Carpio, inaasahang papasok ang sama ng panahon sa PAR sa loob ng 24 oras at bibigyan ng lokal na pangalang Josie. Gayunman, sinabi ng ahensya na hindi ito inaasahang magla-landfall o direktang makaaapekto sa anumang bahagi ng bansa.
Posible umanong panandaliang lumakas ang Haishen bilang isang tropical storm habang kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran. Gayunpaman, inaasahan din itong muling hihina at maaaring maging isang low pressure area bago tuluyang lumabas ng PAR sa mga susunod na araw dahil sa hindi paborableng kondisyon ng atmospera.
Sa kabila nito, nananatiling Habagat ang pangunahing weather system na nakaaapekto sa bansa. Dahil sa pinalakas na southwest monsoon, makararanas ang Ilocos Region, Benguet, Zambales, Bataan, at Tarlac ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat hanggang madalas na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.
Nagbabala ang PAGASA na ang katamtaman hanggang paminsan-minsang malakas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na bulnerable sa naturang mga panganib.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog. Ipinaliwanag ni Castañeda-Carpio na bagama’t hindi inaasahan ang tuluy-tuloy na malakas na pag-ulan, maaari pa ring magkaroon ng panandaliang buhos ng ulan dulot ng malalakas na thunderstorm na maaaring magresulta sa flash flood at landslide sa ilang lugar.
Makakaranas din ang nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga panaka-nakang pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dulot ng localized thunderstorms.
Samantala, inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na hanging timog-kanluran hanggang timog sa Luzon na magdudulot ng katamtaman hanggang maalon na karagatan na may taas ng alon na humigit-kumulang 1.5 hanggang 3.1 metro. Sa Visayas at Mindanao, magiging mahina hanggang katamtaman ang hangin mula timog-silangan hanggang timog, habang bahagya hanggang katamtaman ang pag-alon ng dagat.
Bagama’t wala pang nakataas na Gale Warning, pinayuhan ng PAGASA ang mga mangingisda, maliliit na sasakyang pandagat, at iba pang naglalayag, lalo na sa kanlurang baybayin ng Luzon, na mag-ingat dahil sa inaasahang pag-alon ng karagatan.
Hinimok din ng state weather bureau ang publiko at mga lokal na pamahalaan na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na weather bulletin at advisories ng PAGASA, lalo na habang papalapit ang Tropical Depression Haishen sa PAR at patuloy na pinalalakas ang Habagat na siyang pangunahing nagdadala ng ulan sa bansa ngayong panahon ng tag-ulan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





