MANILA – Sa Lunes, Hulyo 20, magpapasya ang Senate Impeachment Court kung papayagan ang kahilingan ng House prosecution panel na magpalabas ng subpoena para sa tax records, bank records at mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Ang desisyon ay kasunod ng caucus ng mga senator-judges noong Miyerkules, kung saan napagkasunduang bigyan muna ng sapat na panahon ang korte upang pag-aralan ang mga kumplikadong legal na isyung kaugnay ng hinihiling na subpoena.
Ayon kay Senate President at Presiding Officer Francis Escudero, magpapasya ang impeachment court sa usapin sa Lunes, at bibigyan din ng pagkakataon ang mga senator-judges na may mga katanungan na magsumite ng mga ito sa magkabilang panig sa panahon ng pagdinig.
“The senator-judges agreed in caucus to decide on the matter on Monday and that on Monday, senator judges who wish to ask the parties questions will be afforded the time to ask these questions again on both sides,” ayon kay Escudero.
Sa magkahiwalay na oral arguments, iginiit ng House prosecution panel na mahalaga ang pagkuha ng mga tax, bank at AMLC records bilang bahagi ng ebidensiya sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment, na tumutukoy sa alegasyon ng diumano’y hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente.
Gayunman, mariing tinutulan ito ng defense team. Ayon kay Atty. Michael Wesley Poa, tagapagsalita ng depensa, walang sapat na legal na batayan ang kahilingan ng prosekusyon at lumalabag ito sa karapatan sa privacy ng bise presidente at ng kanyang asawa.
Kinuwestiyon din ni Poa kung bakit hinihiling ng prosekusyon ang mga financial records na umaabot pa noong 2007, na aniya ay hindi saklaw ng mga dokumentong iniharap sa House of Representatives nang ihain ang impeachment complaint.
“With all due respect, that is the very definition of a fishing expedition,” ani Poa, na tumutukoy sa umano’y pagtatangka ng prosekusyon na humanap ng ebidensiyang wala namang malinaw na batayan sa kasalukuyang mga alegasyon.
Iginiit din ng depensa na wala umanong mga dokumentaryong ebidensiya sa orihinal na reklamo na inihain ng mga complainant upang patunayan ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, at nagsimula lamang umanong mangalap ng naturang mga rekord ang prosekusyon matapos maisumite ni Duterte ang kanyang sagot sa House Committee on Justice.
Samantala, inanunsiyo rin ng House prosecution panel na hindi na nito ihaharap ang lima sa natitira nitong mga testigo kaugnay ng Article IV ng impeachment complaint, na may kaugnayan sa umano’y pagbabanta ni Duterte kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ang magiging pasya ng Senate Impeachment Court sa Hulyo 20 ay inaasahang magiging mahalagang batayan sa susunod na yugto ng impeachment trial, lalo na sa pagtukoy kung maaaring gamitin ng prosekusyon ang hinihiling na financial records bilang bahagi ng kanilang ebidensiya.
Batay sa Saligang Batas, ang Senado ay nagsisilbing impeachment court sa paglilitis ng mga kasong impeachment laban sa mga mataas na opisyal ng pamahalaan. Ang mga desisyon ng korte sa mga usaping procedural, kabilang ang pagpapalabas ng subpoena, ay maaaring makaapekto sa lawak ng mga ebidensiyang ihaharap ng magkabilang panig sa paglilitis.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





