Aftershocks humahadlang sa recovery matapos ang 7.8 na lindol sa Mindanao

0
62

GENERAL SANTOS CITY — Patuloy ang pagyanig sa southern Philippines na lalong nagpapahirap sa rescue at recovery operations matapos ang 7.8-magnitude na lindol noong Lunes na ikinamatay ng hindi bababa sa 45 katao, nag-iwan ng 17 nawawala, at nagpalikas sa libo-libong residente.

Sa General Santos City, isang partially collapsed na tatlong palapag na grocery store ang muling niyanig ng malakas na aftershock noong Miyerkules, dahilan upang magtakbuhan palabas ang nasa 30 rescuers kabilang ang mga bumbero at coast guard personnel. Ayon sa mga ulat, bumagsak pa ang ilang debris mula sa nakatagilid na gusali habang isinasagawa ang headcount sa mga nasa loob.

Isang safety officer ang nag-whistle at nagbigay babala upang agad na makalayo ang mga rescuer mula sa peligro.

“It was a strong aftershock and an alarm was immediately sounded so those inside and under the damaged building can run out for a headcount,” ayon kay Ressa Mia Tactaquin-Betoya, tagapagsalita ng mga bumbero na naghahanap pa rin sa isang nawawalang empleyado sa loob ng gusali.

Dagdag niya, mahalaga ang agarang paglikas ng mga tauhan dahil sa panganib ng karagdagang pagguho. “It was scary because we don’t want our rescuers to be harmed so the area must be secured before they can go back in,” aniya.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, higit 2,100 aftershocks na ang naitala mula noong pangunahing lindol, kabilang ang ilan na umabot sa magnitude 6.4 na sapat upang magdulot ng karagdagang pinsala at posibleng casualties.

Mahigit 25,000 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 45 evacuation centers sa takot na bumalik sa kanilang mga tahanan.

Ang lindol noong Lunes ay isa sa pinakamalalakas na tumama sa bansa sa nakalipas na kalahating siglo. Umabot sa 630 ang sugatan at mahigit 3,100 bahay, 29 kalsada, 11 tulay, at higit 100 government buildings ang napinsala.

Apektado rin ang operasyon ng General Santos International Airport na pansamantalang isinara para sa lahat ng commercial flights maliban sa government at military aircraft na nagdadala ng tulong at disaster response teams, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines.

Tinatayang 6,000 pampublikong paaralan sa mga apektadong lugar ang kailangan pang masuri bago makapagbalik-eskuwela. Nangyari ang lindol sa unang araw ng klase matapos ang bakasyon, dahilan upang maraming estudyante ang kabilang sa mga nasugatan habang nasa flag ceremony.

Karamihan sa mga nasawi ay dahil sa bumagsak na debris at landslide sa General Santos at karatig na lalawigan ng Sarangani, South Cotabato, at Davao Occidental.

May naitalang isang nasawi matapos tangayin ng alon sa dagat kasunod ng lindol, kung saan umabot sa 1.4 metro ang taas ng tubig sa ilang bahagi ng baybayin. May mas maliliit na alon din na umabot sa Indonesia, Palau, at southern Japan bago tuluyang alisin ang tsunami warnings.

Samantala, pitong swimmers malapit sa General Santos ang tinangay ng malakas na agos matapos ang pagyanig. Tatlo ang nasagip ng coast guard, isa ang nakalangoy pabalik sa dalampasigan, isa ang nalunod, at dalawa pa ang patuloy na pinaghahanap.


Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.