Anti-political dynasty bill maaaring makaapekto sa 30% ng mga halal na posisyon

0
76

MANILA, Philippines – Tinatayang 30 porsiyento ng lahat ng halal na posisyon sa bansa ang maaaring masaklaw ng mga restriksyon sa ilalim ng panukalang Anti-Political Dynasty Law ng Senado, ayon kay Senador Risa Hontiveros.

Sa isang panayam sa Cebu City nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Hontiveros na layunin ng panukala na ipagbawal ang mga ugnayan sa loob ng political dynasty hanggang ikalawang antas ng consanguinity at affinity, o ang mga kadugo at kamag-anak sa pamamagitan ng kasal.

Ayon sa senador, malaki ang magiging epekto nito sa kasalukuyang sistema ng pulitika sa bansa.

“Mag-a-affect na ‘yan, mag-i-impact na ‘yan sa 30% ng mga elected positions. So hindi maliit na bagay. That will already start to shake the ground if and when maipasa ‘yung batas na ‘yan,” ani Hontiveros.

Sa ilalim ng panukala, hindi rin maaaring gamitin ng mga pamilyang may hawak na pambansa o lokal na posisyong halal ang party-list system upang maiwasan ang tinatawag na circumvention ng batas.

Saklaw rin ng panukala ang mga taong hindi kasal ngunit itinuturing na magkapareha sa publiko, kinikilala bilang mag-asawa o live-in partners, at naninirahan sa iisang tahanan.

“So may anim o pitong mga importanteng provision ang Senate version so far undergoing interpellation,” dagdag ng senador.

Ayon kay Hontiveros, inaasahan niyang maisasailalim sa bicameral conference committee ang panukala kasama ang House of Representatives upang pag-isahin ang bersyon ng dalawang kapulungan at maipasa ang unang Anti-Political Dynasty Law ng bansa.

Giit pa niya, ito ay alinsunod sa 1987 Constitution na nag-aatas sa Kongreso na magpasa ng batas na maglilimita sa political dynasties, bagaman mahigit tatlong dekada na itong hindi naisasabatas.

“Excited akong mag-bicameral conference committee sa counterparts namin sa House to produce the first ever, after 39 years, anti-political dynasty law sa Pilipinas in obedience sa utos ng Konstitusyon,” aniya.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.