MAYNILA — Matagumpay na naitaas ng civil society coalition na Atin Ito Coalition ang watawat ng Pilipinas sa Pag-asa Cay 2, kilala rin bilang Sandy Cay, sa bahagi ng West Philippine Sea, bilang bahagi ng ikaapat nitong civilian mission.
Isinagawa ang aktibidad nitong Linggo, bandang alas-5:40 ng madaling araw, matapos ilunsad ang maliit na grupo mula sa Pag-asa Island. Lulan ng rubber boat, pinangunahan ang delegasyon ni Dadah Kiram Ismula kasama ang mga boluntaryo ng koalisyon.
Sa kabila ng presensiya ng ilang sasakyang pandagat ng China sa lugar, nagawa ng grupo na makadaong sa Pag-asa Cay 2 at maitaas ang watawat ng Pilipinas. Ayon kay Ismula, ang hakbang ay isang mapayapa ngunit matibay na pahayag laban sa patuloy na aktibidad ng China sa loob ng inaangking karagatan ng bansa.
“This is a defiant but peaceful act of resistance against China’s aggression within our waters. Our message is clear: the West Philippine Sea is ours. No amount of intimidation can erase that fact,” ani Ismula.
Ang Pag-asa Cay 2 ay itinuturing na ekstensiyon ng Pag-asa Island at nasa loob ng territorial waters ng Pilipinas batay sa umiiral na posisyon ng pamahalaan.
Samantala, nananatiling mataas ang tensyon sa West Philippine Sea kasunod ng patuloy na presensiya ng mga barko ng China sa ilang bahura at isla sa rehiyon. Patuloy ding isinusulong ng Pilipinas ang diplomatikong hakbang at pakikipag-ugnayan sa mga kaalyado upang igiit ang karapatan nito sa nasabing karagatan.
Ang misyon ng Atin Ito ay bahagi ng serye ng civilian-led initiatives na naglalayong ipakita ang soberanya ng Pilipinas sa pamamagitan ng mapayapang pagkilos, sa gitna ng umiigting na usapin sa seguridad at teritoryo sa rehiyon.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





