Cash aid para sa 7.5 milyong low-income household, sisimulan na sa susunod na linggo

0
72

MANILA – Sisimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa susunod na linggo ang pamamahagi ng pinalawak na Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance na magbibigay ng ₱2,000 cash aid sa 7.5 milyong mahihirap, near-poor, at low-income na kabahayan sa buong bansa bilang tugon sa epekto ng tumataas na presyo ng langis at ng idineklarang energy emergency.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang programa ay inilunsad upang matulungan ang mga pamilyang pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pang pangunahing bilihin bunsod ng nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan, at maiwasang tuluyang malubog sa kahirapan ang tinatayang 1.2 milyong Pilipino, karamihan ay mula sa sektor ng near-poor.

Hinati ng DSWD ang mga benepisyaryo sa tatlong grupo upang mapabilis ang distribusyon ng ayuda.

Ang Group 1 ay binubuo ng humigit-kumulang 3.5 milyong kabahayan na kasalukuyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program (WGP). Direktang ipapasok ang ayuda sa kanilang umiiral na LandBank accounts o food credit cards. Ang grupong ito ay makatatanggap ng isang beses na ₱2,000.

Ang Group 2 naman ay binubuo ng 2.5 milyong poor at near-poor households na hindi kabilang sa 4Ps ngunit natukoy sa pamamagitan ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA). Para sa kanila, magsisimula sa susunod na linggo ang validation, manual payout, at enrollment sa digital payment system.

Samantala, ang Group 3 ay kinabibilangan ng 1.5 milyong low-income workers at kanilang mga pamilya na may rekord sa Social Security System (SSS). Tulad ng Group 1, ididiretso rin sa kanilang mga account ang cash assistance.

Nilinaw ng DSWD na ang mga benepisyaryo ng 4Ps at Walang Gutom Program ay tatanggap ng isang beses na ₱2,000, habang ang mga kwalipikadong near-poor at low-income households sa ilalim ng pinalawak na UPLIFT Assistance ay nakatakdang makatanggap ng ₱2,000 bawat buwan mula Hulyo hanggang Disyembre, alinsunod sa ipinalabas na mga alituntunin ng programa.

Nauna nang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawak ng UPLIFT Assistance upang mapagaan ang epekto ng pandaigdigang pagtaas ng presyo ng langis at maprotektahan ang kabuhayan ng tinatayang 7.5 milyong kabahayan o humigit-kumulang 37.5 milyong Pilipino. Ayon sa Malacañang, naglaan ang pamahalaan ng ₱12.375 bilyon para sa pagpapatupad ng programa.

Sinabi rin ni Gatchalian na ang pagpili ng mga benepisyaryo ay ibinatay sa umiiral na mga pambansang database tulad ng 4Ps, Walang Gutom Program, CBMS ng PSA, at talaan ng SSS upang maging mas mabilis at mas maayos ang pamamahagi ng ayuda, sa halip na umasa sa mga listahang isusumite ng mga lokal na pamahalaan.

Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), tinatayang nasa 14 milyong Pilipino ang nabibilang sa mahihirap, dahilan upang palawakin ng pamahalaan ang social protection program para sa mga sektor na higit na naaapektuhan ng pagtaas ng gastusin sa enerhiya at mga pangunahing pangangailangan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.