MAYNILA — Itinuturing na ngayong “persons of interest” ng National Bureau of Investigation (NBI) sina Senate President Alan Peter Cayetano, Senador Robin Padilla, at Office of the Senate Sergeant-at-Arms Acting Chief Mao Aplasca kaugnay ng pagkawala ni Senador Ronald dela Rosa matapos ang kaguluhan at putukan sa Senado noong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, ang pagiging “persons of interest” ay nangangahulugan na may pananagutan silang sagutin ang mga tanong ng mga awtoridad hinggil sa kinaroroonan ni dela Rosa.
“Nangako sila ng protective custody kay Sen. Bato kaya hindi natuloy ang pag-aresto dahil ginagalang natin iyon. Pero kapag sinabi mong nasa ilalim siya ng inyong kustodiya, may pananagutan kayong iharap siya,” paliwanag ni Matibag.
Si dela Rosa ay nahaharap sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa madugong anti-drug campaign ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Lumabas umano si dela Rosa sa gusali ng Senado kasama si Padilla bandang alas-2:30 ng madaling araw ng Huwebes, ilang oras matapos ang insidente ng putukan sa ikalawang palapag ng Senate building. Kinumpirma ni Cayetano ang pag-alis ng dalawa mula sa Senado.
Iginiit naman ni Matibag na sumusunod lamang ang NBI sa direktiba ng Department of Justice at sa mandato nitong ipatupad ang batas.
Samantala, pinatawan ng anim na buwang preventive suspension ng Office of the Ombudsman si Aplasca habang isinasagawa ang motu proprio investigation sa nangyaring kaguluhan sa Senado noong Mayo 13.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, kabilang sa iimbestigahan ang pagpapaputok umano ni Aplasca ng warning shot sa harap ng mga tauhan ng NBI.
“Mas mataas ka sa law enforcement? Sino ka?” ani Remulla sa isang press briefing noong Biyernes, kung saan kinuwestiyon niya ang naging aksyon ni Aplasca sa gitna ng tensyon sa Senado.
Binigyang-diin din ng Ombudsman na mapanganib ang anumang pagpapaputok ng baril dahil maaari itong magdulot ng pinsala o pagkamatay.
Nauna nang inamin ni Aplasca, isang retiradong police major general, na siya ang unang nagpaputok bilang warning shot matapos umano niyang makita ang mga tauhan ng NBI sa bahagi ng GSIS wing na malapit sa Senate premises. Taliwas ito sa pahayag ng NBI na wala pa ang kanilang mga tauhan sa loob ng Senado nang maganap ang putukan.
Inatasan din ng Office of the Ombudsman ang Senado na magsumite ng kumpletong CCTV footage ng insidente, kabilang ang mga video na nakuha ng mga mamamahayag na naroon noong gabing iyon.
“Sana naman ay walang nawawalang footage. Sana naman ay walang cover-up dito,” sabi ni Remulla.
Lumutang din ang mga alegasyon na maaaring may nawawala o itinagong CCTV footage kaugnay ng insidente, bagay na nais linawin ng hiwalay na imbestigasyon ng Ombudsman.
Si Aplasca ay itinalagang acting Senate Sergeant-at-Arms noong 2025 matapos nominado ni dela Rosa. Kapwa sila kabilang sa PMA Sinagtala Class of 1986.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





