Dalawang HVI nahuli sa San Pablo City; Marijuana e-cigarettes nasabat sa Sta. Rosa

0
254

SAN PABLO CITY, Laguna. Inaresto ng mga tauhan ng San Pablo Component City Police Station ang dalawang high value individuals (HVI) sa isinagawang operasyon ng drug buy-bust sa lungsod na ito. 

Kinilala ni PLtCol Wilhelmino Soliven Saldivar, hepe ng San Pablo Component City Police Station, ang dalawang suspek na sina Mark Laurence Ong Danao, 36 anyos at residente ng Brgy. 2D, San Pablo City, at Aira Arellano Calabia, 27 anyos at residente ng Brgy. San Francisco sa nasabing lungsod.

Ayon sa ulat, ginanap ang anti-illegal na drug buy-bust bandang 5:37 ng umaga noong Marso 21, 2024 sa Brgy. San Vicente, San Pablo City, Laguna. Ito ay nagresulta sa pagkahuli ng dalawang suspek matapos magbenta ng hinihinalang iligal na droga sa mga pulis na nagpanggap bilang poseur buyer kapalit ang marked money.

Sa pag-aresto, nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang iligal na droga na may timbang na humigit-kumulang na 52 gramo at may halagang aabot sa PhP358,800.00. Kasama rin sa mga nasamsam ang isang caliber .22 pistol.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Pablo Component City Police Station CCPS ang mga arestadong suspek at nakatakda silang humarap sa mga kaso ng paglabag sa RA 9165 “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002” at RA 10591 “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.”

Sa bukod na balita, milyon halaga ng marijuana e-cigarettes at mga imported na mataas na kalibre ng baril ang nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group sa isang bahay sa eksklusibong subdibisyon sa Santa Rosa City, Laguna, kahapon ng 10:00 ng umaga.

Sa bisa ng isang search warrant na inisyu ng Regional Trial Court Branch 90 ng Dasmariñas City, Cavite, nilusob ng mga pulis ang mansion ni Enrique Luis Velasco Tiangco sa Avila Street, Block 1, Lot 26, Abrio Homes, Nuvali sa nasabing lungsod.

Sa isinagawang raid, nadiskubre ang mga kahon ng marijuana e-cigarettes na ayon sa mga ahente ng PDEA ay nagkakahalaga ng milyong piso.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.