MANILA, Philippines — Muling nagpaalala kahapon ang Department of Education (DepEd) sa mga paaralan na istriktong ipatupad ang polisiya na nagbabawal sa mga estudyante na gumamit ng gadgets sa oras ng klase, maliban na lamang kung para ito sa kanilang pag-aaral o kung may emergency.
Sa isang memorandum na may petsang Hunyo 30, ipinaalala ng DepEd ang mahigpit na implementasyon ng DepEd Order No. 006, s. 2026, o ang Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE).
Sa ilalim ng kautusan, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng portable electronic devices at paggamit ng social media, online games, content creation at vlogging, ng mga mag-aaral at ng mga personnel nito sa oras ng klase.
Layunin anila ng naturang kautusan na isulong ang kapakanan, kaligtasan, seguridad at proteksiyon ng mga mag-aaral at mga school personnel.
Maaari lamang umano itong payagan kung para ito sa academic purposes, gaya ng pag-access ng educational platforms at digital resources o paglahok sa authorized online collaborative activities, gayundin sa panahon ng emergency, kabilang na ang disasters, medical crises, at iba pang agarang safety concerns.
Sa kagnay na ulat, GoreBox binura na sa Google, Steam sa Pinas. Tuluyan nang tinanggal ang mobile at PC game na GoreBox sa Google Play Store at Steam sa Pilipinas.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na dahil sa masusing pakikipag-ugnayan ng gobyerno ay pinagbigyan ng Google ang kahilingan nito alisin ang nasabing online gaming. Dahil dito, hindi na maaring i-download o laruin ang GoreBox sa Pilipinas. Kahit ang mga users na nakapag-download na nito bago maging epektibo ang restriction ay hindi na rin maaring ma-access ang laro.
Ikinatuwa naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mabilis na aksyon ng Google at Steam na makipagtulungan sa pamahalaan para isulong ang mas ligtas na online environment para sa ma kabataan.
Matatandaan na noong Hunyo 23 ay inanunsiyo ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang temporary ban sa Gorebox.
Ito ay dahil lumalabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na isa sa mga suspek sa school shooting sa Tacloban ay masugid na manlalaro ng GoreBox.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





