MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang posibilidad na gawing mandatory ang inspeksiyon ng school bags at humihingi ng karagdagang pondo para sa pagkuha ng mas maraming security guards sa mga pampublikong paaralan bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad sa mga campus.
Ang mga hakbang ay isinasaalang-alang kasunod ng naganap na pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng marami pang iba, na nag-udyok sa DepEd na muling suriin ang kasalukuyang safety measures sa mga paaralan.
Sa pagdalo sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Roger Masapol na dati nang isinasagawa ang bag inspections sa mga paaralan ngunit sa random basis lamang.
Ayon kay Masapol, pinag-aaralan ngayon ng ahensya kung gagawin nang mandatory ang inspeksiyon ng mga bag upang makatulong sa pagpigil sa pagpasok ng mga mapanganib na bagay sa loob ng paaralan.
“Before kasi, bago ng Tacloban incident, random lang ang bag inspection sa mga schools natin. Ngayon tinitingnan namin baka gagawin na siyang mandatory,” ani Masapol.
Gayunman, sinabi ng opisyal na kailangang isaalang-alang ang laki at populasyon ng bawat paaralan bago ipatupad ang naturang polisiya. Aniya, maaaring maging hamon ang mandatory inspections sa malalaking paaralan dahil sa dami ng mga estudyanteng kailangang siyasatin.
Bilang halimbawa, binanggit ni Masapol ang Parañaque National High School na may humigit-kumulang 14,000 estudyante, kung saan maaaring maging mahirap ang araw-araw na masusing inspeksiyon ng mga bag.
“Medyo nightmare ang bag inspection. Kaya tinitingnan namin ang good combination ng security measures natin,” dagdag niya.
Bukod sa bag inspections, pinag-aaralan din ng DepEd ang iba pang hakbang tulad ng pagdaragdag ng entry at exit lanes sa mga gate ng paaralan upang maging mas mabilis at organisado ang proseso ng pagpasok ng mga estudyante at bisita.
Samantala, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na hihingi ang DepEd ng dagdag na pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM) upang makapag-hire ng mas maraming security guards sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Angara, kulang ang kasalukuyang bilang ng security personnel dahil nasa 200 na lamang ang natitirang plantilla positions para sa security guards matapos ang nationalization process, sa kabila ng pagkakaroon ng mahigit 48,000 pampublikong paaralan sa buong bansa.
Sinabi ng kalihim na magsusumite ang DepEd ng kahilingan sa DBM para makalikha ng karagdagang permanenteng posisyon para sa security guards upang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan.
Kasabay nito, nagsasagawa rin ang DepEd ng safety audit sa mga paaralan matapos ang mga nagdaang insidente, kabilang ang pamamaril sa San Jose National High School kung saan tatlong estudyante ang namatay at 20 iba pa ang nasugatan.
Binigyang-diin ni Angara na pangunahing prayoridad ng DepEd ang kaligtasan ng mga mag-aaral. Hinikayat din niya ang pakikipagtulungan ng mga magulang at lokal na pamahalaan sa pagbuo ng mas ligtas na transportasyon at iba pang mekanismo para sa proteksiyon ng mga estudyante.
Patuloy na sinusuri ng DepEd ang kombinasyon ng mga hakbang pangseguridad upang matiyak ang mas ligtas na kapaligiran para sa mga mag-aaral at guro sa mga pampublikong paaralan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





