Diesel posibleng pumalo sa P146 kada litro, LPG maaaring umabot sa P1,500 kada tangke

0
245

MAYNILA — Pinangangambahan ang panibagong dagok sa mga konsyumer matapos lumabas ang magkahiwalay na ulat na nagsasabing posibleng sumirit ang presyo ng diesel at liquefied petroleum gas (LPG) sa mga susunod na linggo, bunsod ng patuloy na paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado at tensyon sa Middle East.

Ayon sa isang source mula sa industriya ng langis, inaasahang magkakaroon ng panibagong double-digit na pagtaas sa presyo ng diesel sa susunod na linggo. Batay sa apat na araw na galaw ng Mean of Platts Singapore (MOPS), tinatayang aabot sa P11 hanggang P12 kada litro ang idadagdag sa kasalukuyang presyo.

Kung magkatotoo, maaaring pumalo ang presyo ng diesel sa pagitan ng P118 hanggang P146.30 kada litro. Sa kasalukuyan, nasa P107 hanggang P134.30 kada litro ang pump price ng diesel matapos ang kamakailang pagtaas na umabot sa P15 hanggang P18 kada litro noong Marso 24 hanggang 30.

Samantala, inaasahang mas banayad ang galaw ng presyo ng gasolina, na maaaring hindi magbago o tumaas ng hanggang P3 kada litro. Posibleng umabot sa P115.40 kada litro ang presyo nito kung magpapatuloy ang upward trend.

Kasabay nito, nagbabala rin ang LPG Marketers Association (LPGMA) na maaaring umabot sa P1,500 ang presyo ng isang 11-kilogram na tangke ng LPG pagsapit ng Abril. Iniugnay ng grupo ang inaasahang pagtaas sa pagmahal ng shipping costs, partikular dahil sa limitadong pagdaan sa Strait of Hormuz dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Sa kasalukuyan, naglalaro sa higit P825 hanggang mahigit P1,135 ang presyo ng LPG sa Metro Manila. Nauna nang sinabi ng Department of Energy (DOE) sa Senado na ang suplay ng LPG sa bansa ay maaaring tumagal lamang ng humigit-kumulang 25 araw.

Ayon kay Regasco President Arnel Ty, umabot sa apat hanggang limang beses ang itinaas ng shipping costs dahil sa epekto ng tensyon sa rehiyon. Dagdag pa rito, tumaas din ang contract price ng LPG ng $95 kada metric ton, o katumbas ng humigit-kumulang P5 kada kilo.

Batay sa kanyang pagtaya, posibleng tumaas ng P35 hanggang P40 kada kilo ang LPG sa Abril 1, na katumbas ng P385 hanggang P440 na dagdag sa bawat 11-kilogram na tangke. Kung ipapatong ito sa kasalukuyang presyo na nasa P1,100, maaaring umabot sa P1,500 ang kada tangke.

Gayunman, tiniyak ni Ty na walang dahilan para mag-panic ang publiko, dahil sapat pa ang suplay ng LPG sa bansa para tumagal ng 30 hanggang 35 araw.

Sa gitna ng mga inaasahang pagtaas, muling nahaharap ang mga Pilipino sa posibilidad ng dagdag-gastos sa araw-araw na pangangailangan, lalo na sa transportasyon at pagluluto.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.