HDO laban kina Escudero at Ngu inaasikaso ng Ombudsman

0
43

MAYNILA – Hiniling ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na magpalabas ng precautionary hold departure order laban kina Senador Chiz Escudero at negosyanteng si Maynard Ngu, kaugnay ng patuloy na imbestigasyon sa flood control anomaly.

Sina Escudero at Ngu ay iniimbestigahan sa mga kasong plunder, graft, at indirect bribery na may kaugnayan sa mga proyektong sinasabing isiningit sa pambansang budget.

Na-raffle na sa Sixth Division ng Sandiganbayan ang nasabing kahilingan ng Ombudsman.

Ayon sa affidavit ni dating Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo, diumano ay dumaan kay Ngu ang 20 porsyento o humigit-kumulang P160 milyon mula sa P800 milyong halaga ng isiningit na proyekto sa Valenzuela City sa ilalim ng General Appropriations Act. Sinabi pa ni Bernardo na ang naturang halaga ay nakalaan umano para kay Escudero.

Inilahad din ni Bernardo na si Ngu ay kanyang malapit na kaibigan at personal na nagdala ng pera sa kanyang opisina sa Maynila. Dagdag pa niya, si Ngu rin ay tinukoy bilang campaign contributor ni Escudero.

Mariin namang itinanggi nina Ngu at Escudero ang mga paratang na may kinalaman sila sa kickback sa mga flood control project.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing usapin.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.