Sta. Maria, Laguna. Sinampahan ng kasong kriminal ang anak ng dating alkalde ng bayang ito at limang iba pa kasama ang dalawang naunang naaresto dahil sa pagpatay sa pangulo ng isang kooperatiba sa Brgy. Santiago, Sta. Maria, kahapon.
Ayon sa ulat ng pulisya, si Christened Jayson Cuento alias “Boss Jason”, anak ni ex-Santa Maria Mayor Joel Cuento at dating municipal councilor, ang itinuturong “mastermind” sa pagpatay kay Santa Maria Cooperative President Harrison Boy Diamante sa Brgy. Santiago, Sta. Maria.
Sa pagpatay kay Diamante, dalawang gunmen ang naaresto na kinilalang sina Edgardo Evangelio, 43, at Noel Buluran, alias “Alex Vargas”, habang pinaghahahanap pa ang tatlong iba pa.
Ayon kay Santa Maria Police chief Major Eviener Boiser, si Cuento at limang suspek ay kinasuhan na ng murder sa Provincial Prosecutor’s Office.
Kinilala bilang mga suspek sina Jonathan Bondad alias “Bojo,” driver ng L-300 van na ginamit ng mga suspek sa pamamaril; Rio Mahilon alias “James”, 35 anyos an itinuturong triggerman, at Marvin Casas alias “Baloy” o “Batay”, ang driver na madalas sumundo sa gunman na si Buluran mula Rizal papuntang Santa Maria.
Sinabi ni Boiser, sina Evangelio at Buluran ay nagbigay na ng kanilang extrajudicial confession na inasistihan ng abogado, at inaming inupahan sila ni Cuento saka isinagawa ang pagpatay kay Diamante kapalit ng P100,000.
Sina Evangelio at Buluran ay naaresto matapos ang isang maikling pakikipag engkwentro sa mga rumespondeng pulis habang tumatakas patungo sa Brgy. Talangka, Santa Maria makaraan nilang mapatay si Diamante sa Brgy. Santiago, Santa Maria, noong Enero 8 habang nakatakas ang tatlo nilang kasamahan.
