MAYNILA — Ibinasura ng Supreme Court (SC) sa botong 9-5-1 ang kahilingan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) at status quo ante order (SQAO) na naglalayong pigilan ang pagpapatupad ng warrant of arrest na kaugnay ng kaso laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC). Ang desisyon ay inilabas matapos ang isang special en banc session nitong Miyerkules.
Ayon sa SC, ang naging pasya ay tumutukoy lamang sa hinihinging interim relief at hindi pa pinal na desisyon sa pangunahing usaping legal na nakapaloob sa kaso. Tatalakayin pa rin ng Korte Suprema ang mahahalagang isyu na inilahad ng mga partido sa kani-kanilang pleadings at mosyon.
Sa kanyang manifestation, hiniling ni dela Rosa na pigilan ng mataas na hukuman ang pagpapatupad ng anumang warrant of arrest mula sa ICC, red notice o diffusion mula sa International Criminal Police Organization, at iba pang foreign judicial o quasi-judicial instruments kung walang kaukulang warrant mula sa hukuman ng Pilipinas. Kabilang sa mga ahensyang nais niyang mapigilan ay ang Department of the Interior and Local Government, Department of Justice, Department of Foreign Affairs, Philippine National Police, at Criminal Investigation and Detection Group.
Kasabay nito, nananatiling nakabinbin ang pangunahing petisyon na kumukwestiyon sa legalidad at pagpapatupad ng ICC warrant sa hurisdiksyon ng Pilipinas. Isa rin sa mga isyung pagdedesisyunan pa ng Korte Suprema ay kung maituturing bang “fugitive” si dela Rosa sa ilalim ng umiiral na batas at proseso.
Batay sa pinakahuling ulat, plano ng kampo ni dela Rosa na magsampa ng mosyon para hilinging muling pag-aralan ng Supreme Court ang naging desisyon nito sa TRO at ipagpatuloy ang paggamit ng iba pang legal na remedyo kaugnay ng kaso.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





