THE HAGUE | Tinanggihan ng Trial Chamber III ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na gawin ang expert verification o pagsusuri ng eksperto sa mga open-source at user-generated evidence na isinusumite ng prosekusyon sa kanyang kasong crimes against humanity.
Sa pitong-pahinang desisyong inilabas noong Setyembre 28, sinabi ng Chamber na ang panukala ng depensa ay higit pa sa simpleng pagdaragdag ng metadata field sa E-Court Protocol. Sa halip, mangangailangan ito ng mga expert report para sa mga digital evidence bago maisumite ang mga ito sa Chamber.
Ayon sa ICC, maaaring hindi kailangan ang naturang proseso dahil sa dami at lawak ng ebidensyang nasa kaso.
“Given the large volume of evidence that has been made available by the Prosecution in the present case, as well as the breadth of open source and user-generated evidence, if implemented, may in the event be unnecessary and could well have the effect of causing a needless delay to the start of the trial,” ayon sa ICC.
Iginiit ng depensa ang kahilingan dahil sa malaking dami ng ebidensyang isiniwalat ng prosekusyon. Ngunit sinabi ng Chamber na naglabas na ito ng ilang utos noong mga status conference upang tugunan ang mga isyu kaugnay ng lawak ng ebidensya.
Sa halip na blanket requirement para sa expert verification, pinayagan ng Chamber ang kahilingan ng prosekusyon na magdagdag ng URL metadata field sa E-Court Protocol. Layunin nitong madaling matukoy ang URL o online source kung saan nakuha ang open-source evidence nang ito ay makuha. Inatasan ang ICC Registry na isumite ang binagong protocol hanggang Oktubre 2.
Bahagi ang desisyon ng patuloy na paghahanda para sa paglilitis ni Duterte, na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30, 2026. Noong Abril 23, 2026, unanimously kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber I ang tatlong bilang ng crimes against humanity laban sa dating pangulo at iniakyat ang kaso sa Trial Chamber.
Si Duterte ay isinuko sa kustodiya ng ICC noong Marso 12, 2025, matapos siyang arestuhin ng mga awtoridad ng Pilipinas batay sa arrest warrant ng korte. Ang kaso ay kaugnay ng mga alegadong pagpatay at iba pang krimeng sinasabing naganap sa Pilipinas sa konteksto ng kampanya laban sa ilegal na droga.
Mahalagang bahagi ng usapin sa hurisdiksyon ng ICC ang dating pagiging State Party ng Pilipinas sa Rome Statute. Naging epektibo ang pag-alis ng bansa sa kasunduan noong Marso 17, 2019, ngunit pinanatili ng ICC ang hurisdiksyon nito sa mga krimeng umano’y naganap habang miyembro pa ang Pilipinas, mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019. Kinumpirma rin ng Appeals Chamber noong Abril 2026 ang hurisdiksyon ng korte sa kaso ni Duterte.
Sa ngayon, nananatili sa kustodiya ng ICC si Duterte habang nagpapatuloy ang mga paghahanda para sa paglilitis, kung saan susuriin ng mga hukom ang mga argumento at ebidensyang ihaharap ng prosekusyon, depensa at mga kinatawan ng mga biktima.

DC Alviar
Professor DC Alviar is a tenured associate professor at National University (NU) Manila and a steering committee member of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He has contributed to NU's community extension initiatives that introduced the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities within a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with Master of Development Communication (MDC) and Doctor of Communication (DComm) degrees from the University of the Philippines (UP) Open University in Los Baños and was awarded with a Commission on Higher Education (CHED) SIKAP grant. He previously served as editor-in-chief of The Adamson News and his high school publication Ang Ugat.





