Imee Marcos binatikos sa ‘hao siao’ video; MBC nanawagan ng independiyenteng Senado

0
45

MAYNILA— Umani ng matinding batikos mula sa ilang senador ang isang video na ipinalabas ni Senadora Imee Marcos sa plenaryo ng Senado noong Lunes, Mayo 25, matapos nitong maglaman ng umano’y usapin kaugnay ng Charter Change at posibleng pagharang sa presidential bid ni Vice President Sara Duterte sa 2028.

Sa video na ipinakita ni Marcos, makikita umano ang isang pagpupulong na kinasasangkutan nina Senate Minority Leader Vicente Sotto III, House Speaker Bojie Dy, Cong. Ferdinand Hernandez, at dating Senate Secretary Mark Llandro Mendoza. Ayon sa senadora, tinalakay umano sa naturang pagpupulong ang Constitutional Assembly o Con-Ass, kabilang ang posibleng pagpapalawig ng termino ng mga mambabatas at pagtaas ng minimum age requirement para sa pagtakbo bilang pangulo mula 45 patungong 50 taong gulang.

Mariing kinuwestiyon ng ilang senador ang nilalaman at presentasyon ng video.

Tinawag ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang video na propaganda at naghain ng mosyon upang alisin ito sa opisyal na rekord ng Senado. Aniya, hindi naaayon sa parliamentary standards ang naturang presentasyon at nagdudulot lamang ito ng intriga sa loob ng kapulungan.

“Inday Badiday na ba tayo dito sa Senado? Kaya ang sinasabi, we are a circus. I apologize to those who are watching. Do you think we are a circus, because this type of language that we are pushing in this August chamber,” pahayag ni Zubiri.

Mariin ding itinanggi ni Sotto ang anumang partisipasyon sa Charter Change at nagpahayag ng suporta sa mosyon ni Zubiri.

Samantala, tinawag naman ni Sen. Erwin Tulfo na “fake news” ang ipinakitang video, habang sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na peke ang nilalaman nito. Nilinaw rin ni Sen. JV Ejercito na wala umanong naging talakayan sa Senado hinggil sa Charter Change o Constitutional Assembly.

Tinukoy naman ni Sen. Raffy Tulfo ang presentasyon bilang “hao siao” at nagbabala laban sa paggamit ng plenaryo upang magpalaganap ng mga conspiracy theory.

“First time lang ako nakakita ng ‘hao siao’ presentation kanina but before that let me tell you this. Sana huwag natin gamitin ‘yung plenary para sa conspiracy theories natin. Sana maging totoo lang tayo,” ani Tulfo.

Samantala, nanawagan ang Makati Business Club (MBC) sa Senado na pairalin ang batas at pambansang interes habang naghahanda itong umupo bilang impeachment court kaugnay ng kaso ni Vice President Sara Duterte.

Sa inilabas na pahayag, binigyang-diin ng MBC ang kahalagahan ng isang malaya at kapani-paniwalang liderato sa Senado. Ayon sa grupo, nakasalalay sa Senate President ang pagpapanumbalik ng kredibilidad at integridad ng institusyon bilang “moral compass, administrative guardian, and public face” ng Senado.

“If the public perceives the Senate President as someone who is purely partisan, and does not possess the necessary independence and moral ascendancy that such a position requires, public confidence in the institution is eroded,” ayon sa MBC.

Dagdag pa ng grupo, mahalagang manatiling nakabatay sa Konstitusyon at sa pambansang interes ang mga senador sa paghawak ng impeachment proceedings.

“At this important moment, we encourage senators to remain guided by the Constitution, uphold institutional responsibility, and keep the broader national interest at the center of the process,” saad ng MBC.

Inilabas ang pahayag matapos mag-convene ang Senado bilang impeachment court.

Matatandaang noong Mayo 11 ay nagkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado at naupong Senate President si Sen. Alan Peter Cayetano, kasabay ng botohan sa Kamara kaugnay ng pagsusulong ng impeachment complaint laban kay Vice President Duterte dahil sa mga alegasyon ng graft and corruption at iba pang umano’y paglabag.

Noong Mayo 14, kabilang ang MBC sa mga grupong nanawagan sa Senado na isagawa ang paglilitis nang patas, walang kinikilingan, at nakabatay sa ebidensya at sa Konstitusyon.

“The Makati Business Club respectfully reminds all our senators that you were elected by the people to serve the people and not pursue personal, political or business interests,” ayon pa sa grupo.

“Will you prioritize long-term democratic stability over short-term political survival? History will judge you by your actions during this critical period,” dagdag nito.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.