MAYNILA — Posibleng magsimula sa Hulyo 6 ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Senador Erwin Tulfo nitong Huwebes.
Ipinaliwanag ni Tulfo na may 10 calendar days si Duterte upang magsumite ng tugon sa Articles of Impeachment na naipadala sa kanya kamakailan. Matapos nito, magkakaroon naman ng limang araw ang prosekusyon, na binubuo ng mga kinatawan ng House of Representatives, upang magsumite ng kanilang sagot.
Ayon sa senador, susundan ito ng mga pre-trial proceedings kabilang ang pagmamarka at paghahanda ng mga ebidensiya bago pormal na umarangkada ang paglilitis.
Sinabi ni Tulfo na inaasahang mas mapapaaga ang proseso dahil hindi muna magsasagawa ng sine die adjournment ang Senado. Dahil dito, posibleng maumpisahan ang trial bago ang nakatakdang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27, 2026.
Napagkasunduan umano sa caucus ng mga senador na magsagawa ng regular na sesyon mula alas-10 ng umaga hanggang alas-1 ng hapon. Magkakaroon ng isang oras na break bago agad ipagpatuloy ang impeachment trial simula alas-2 ng hapon.
Ayon kay Tulfo, susundin din ang nabanggit na iskedyul tuwing Martes at Miyerkules. Tuwing Huwebes naman ay nakalaan para sa mga committee hearing at regular na sesyon, kaya walang trial sa araw na iyon.
Dagdag pa niya, magiging tuluy-tuloy ang trabaho ng Senado sa loob ng limang araw kada linggo, habang Sabado at Linggo lamang ang magiging pahinga ng mga senador.
Tiniyak din ni Tulfo na isasapubliko at ipamamahagi sa media ang opisyal na kalendaryo ng impeachment trial sa oras na ito ay pormal nang mapagtibay.
Batay sa legislative calendar, nakatakda sanang magsimula ang sine die adjournment ng Kongreso mula Hunyo 6 hanggang Hulyo 26, 2026.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





