Tuwing sasapit ang Mother’s Day, karaniwan nating nakikita ang mga bulaklak, family dining, at malalambing na mensahe para sa mga ina. Ngunit sa kulturang Pilipino, ang pagiging ina ay mahigit pa sa isang selebrasyon. Ito ay simbolo ng sakripisyo, tiyaga, at pagmamahal na walang hinihinging kapalit.
Sa maraming pamilyang Pilipino, ang ina ang unang gumigising at huling nagpapahinga. Siya ang nagba-budget, nag-aalaga sa mga anak, naghahanda ng pagkain, at gumagawa ng paraan kapag kulang ang panggastos. Maraming ina ang nagtitiis sa mabibigat na trabaho bilang kasambahay, labandera, tindera sa palengke, o manggagawa upang maitawid lamang ang pag-aaral at pangarap ng kanilang mga anak.
Nakakalungkot isipin na may ilang kabataan na ikinahihiya ang trabaho ng kanilang mga nanay dahil sa tingin nila ay “mababa” lamang ito. Nahihiya silang ipakilala ang kanilang mama na naglalaba ng damit ng ibang tao, nagwawalis sa bahay ng mayaman, o nagtitinda sa init at ulan, hanggang sa kumapal at gumaspang ang kanyang mga palad na parang papel de liha
Walang nakakahiyang trabaho kung ito ay marangal at ginagawa para sa pamilya.
Ang bawat piraso ng damit na nilabhan, bawat sahod na kinita sa paglilinis ng ibang bahay, at bawat panindang naibenta sa kalsada ay bunga ng pagmamahal ng isang ina na handang magsakripisyo upang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanyang mga anak.
Sa halip na ikahiya, mas dapat silang mahalin at ipagmalaki.
Ang hirap na dinaranas ng isang ina ay hindi dapat maging dahilan ng kahihiyan kundi inspirasyon upang magsikap sa pag-aaral, makatapos ng kurso, magkaroon ng disenteng trabaho, at tuluyang mabago ang kalagayan ng pamilya. Ang edukasyon ay isa sa pinakamabisang paraan upang maputol ang cycle ng kahirapan na matagal nang pasan ng maraming pamilyang Pilipino.
Ang pinakamagandang maibibigay na regalo sa isang ina ay hindi mamahaling bagay, kundi ang makitang natutupad ng kanyang mga anak ang mga pangarap na minsan ay ipinagpaliban niya para sa kanyang sarili.
Sa kulturang Pilipino, tinatawag nating “ilaw ng tahanan” ang mga ina dahil sila ang nagbibigay-liwanag at direksiyon sa pamilya. Ngunit higit pa rito, sila rin ang tahimik na lakas na bumubuo sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Ngayong Mother’s Day, alalahanin natin na ang tunay na halaga ng isang ina ay hindi nasusukat sa estado ng buhay o uri ng trabaho, kundi sa lawak ng kanyang pagmamahal at sakripisyo.
Maligayang Araw ng mga Ina sa lahat ng nanay na walang pagod na lumalaban para sa kanilang pamilya. Ang inyong pawis, pagod, at pagmamahal ay hindi kailanman mababa. Pundasyon ito ng maraming tagumpay at pangarap.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






