MANILA, Philippines — Nanawagan ang pamilya ng yumaong Ateneo Blue Eagles player na si Rene Baterbonia ng mas malinaw na paliwanag mula sa pamunuan ng Ateneo de Manila University at head coach na si Tab Baldwin kaugnay ng pagkalunod na ikinasawi ni Rene at ng kaniyang teammate na si Divine Adili sa isang team-building activity sa Aurora.
Ayon sa ina ni Rene na si Rovelyn Baterbonia, hindi sapat ang paghingi ng paumanhin ng coach at nais nila ng konkretong sagot kung ano ang tunay na nangyari sa insidente. Sa isang pahayag na inilabas sa social media, iginiit niyang hindi maitatama ng “sorry” ang pagkawala ng kaniyang anak.
“Hindi maibabalik ng sorry ang anak ko. Ang gusto kong malaman ay kung ano talaga ang nangyari,” ani Rovelyn sa wikang Bisaya.
Ipinunto rin ng pamilya Baterbonia na nauna pa nilang nalaman ang impormasyon tungkol sa trahedya sa social media kaysa sa opisyal na komunikasyon mula sa unibersidad o sa koponan. Ayon sa kanila, wala ring agarang update na ibinigay sa pamilya matapos ang insidente.
“Bakit ninyo sinasabi na aksidente lang ang nangyari sa anak ko? Wala kayong ibinigay na malinaw na paliwanag o update sa amin,” dagdag pa ni Rovelyn.
Nabatid na sina Rene Baterbonia at Divine Adili ay parehong nasawi sa pagkalunod habang nasa isang team building activity ng Blue Eagles sa Aurora province.
Sa panig ni Ateneo head coach Tab Baldwin, naglabas siya ng video ilang araw matapos ang insidente kung saan humingi siya ng paumanhin sa mga pamilya ng dalawang biktima. Inamin niya na nabigo siya sa kaniyang responsibilidad bilang coach sa pagtiyak sa kapakanan ng mga manlalaro.
“Bilang coach, ipinagkatiwala ninyo sa akin ang kanilang kapakanan. Sa bagay na ito, pakiramdam ko ay nabigo ako. Humihingi ako ng tawad mula sa kaibuturan ng aking pagkatao,” pahayag ni Baldwin.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang Ateneo de Manila University kaugnay ng mga paratang ng pamilya Baterbonia at sa mga detalye ng insidente. Patuloy na hinihintay ng publiko ang mas malinaw na ulat hinggil sa mga pangyayari sa Aurora na humantong sa trahedya.

DC Alviar
Professor DC Alviar is a tenured associate professor at National University (NU) Manila and a steering committee member of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He has contributed to NU's community extension initiatives that introduced the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities within a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with Master of Development Communication (MDC) and Doctor of Communication (DComm) degrees from the University of the Philippines (UP) Open University in Los Baños and was awarded with a Commission on Higher Education (CHED) SIKAP grant. He previously served as editor-in-chief of The Adamson News and his high school publication Ang Ugat.





