Ipinatigil ng SPCWD ang paniningil ng environmental fee at dislodging services sa gitna ng krisis sa langis

0
290

SAN PABLO CITY, Laguna — Inihayag ng San Pablo City Water District (SPCWD) ang pansamantalang pagpapatigil sa paniningil ng environmental fee at sa pagsasagawa ng dislodging activities, bilang tugon sa hinaing ng mga residente at alinsunod sa umiiral na batas sa gitna ng tumitinding krisis sa langis.

Sa isang video announcement na inilabas sa opisyal na social media page ng SPCWD, sinabi ni General Manager Michael Manansala na ang hakbang ay isinagawa at sisimulan sa Marso 27, 20026 upang maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga San Pableño, kasabay ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na may epekto sa kabuuang halaga ng serbisyo.

Ipinaliwanag ni Manansala na ang desisyon ay nakaangkla rin sa mga probisyon ng Local Government Code of 1991, na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga lokal na ahensya at government-owned utilities na magpatupad ng mga hakbang upang protektahan ang kapakanan ng publiko, lalo na sa panahon ng krisis o pambihirang sitwasyon.

Ayon sa SPCWD, ang suspensyon ng environmental fee na karaniwang ipinapataw para sa mga programang pangkalikasan at ang pansamantalang paghinto ng dislodging services ay bahagi ng kanilang responsibilidad na tiyaking hindi lalong mabibigatan ang kanilang mga konsyumer sa gitna ng tumataas na gastusin.

Hindi pa tinukoy ng ahensya kung hanggang kailan ipatutupad ang naturang hakbang, ngunit tiniyak nitong patuloy nilang rerepasuhin ang sitwasyon batay sa galaw ng presyo ng langis at pangkalahatang kalagayang pang-ekonomiya.

Kasabay ng suspensyon, iniulat ni Manansala na hiniling din niya sa Local Water Utilities Administration (LWUA) na masusing pag-aralan ang tamang kwenta ng environmental fee.

Samantala, nanawagan ang SPCWD sa publiko na manatiling responsable sa paggamit ng tubig at makiisa sa mga programang pangkalikasan, sa kabila ng pansamantalang pagtigil ng ilang bayarin at serbisyo.

Positibong tinanggap ng ilang residente ang anunsyo, na nagsabing malaking tulong ang desisyon ng SPCWD sa kanilang pang-araw-araw na gastusin sa kasalukuyang panahon ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.