Itinuring ng NBI na ‘armed and dangerous’ si Bato

0
33

MAYNILA – Itinuturing ng National Bureau of Investigation (NBI) na posibleng armado at mapanganib si Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos umano itong umalis mula sa Senado noong Mayo 14 habang may dalang mga duffel bag na pinaniniwalaang naglalaman ng mga armas.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, bahagi ng standard fugitive protocols ng law enforcement ang pagtrato sa isang pugante o target ng warrant bilang posibleng armado at mapanganib. Aniya, mas pinaiigting ang pag-iingat sa operasyon laban kay dela Rosa dahil sa kanyang malawak na karanasan bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP).

Sinabi ni Matibag na inatasan ang mga law enforcement agents na maging maingat sa tuwing may positibong impormasyon o may matibay na hinalang naroroon ang senador upang matiyak ang ligtas na pagsasagawa ng pag-aresto.

Dagdag pa niya, nakahanda ang mga operatiba sa posibilidad na armado o manlaban ang subject ng warrant, lalo na matapos makatanggap ng impormasyon na umalis si dela Rosa na may dalang mga duffle bag.

Nanawagan din si Matibag kay dela Rosa na boluntaryong sumuko upang maging mapayapa ang proseso ng pagpapatupad ng batas.

Sa kasalukuyan, hawak ng law enforcement authorities ang warrant of arrest na inisyu ng International Criminal Court (ICC) laban kay dela Rosa kaugnay ng alegasyon ng pagiging indirect co-perpetrator sa crimes against humanity case na may kaugnayan din kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Noong Mayo 11, 2026, in-unseal ng Pre-Trial Chamber I ng ICC ang warrant laban kay dela Rosa na unang inilabas bilang confidential o “secret” noong Nobyembre 2025.

Tinangka umanong arestuhin si dela Rosa nang muling magpakita sa Senado noong Mayo 11, subalit hindi ito naisakatuparan matapos aprubahan ng Senado ang isang protective custody resolution. Ayon sa ulat, umalis si dela Rosa sa Senado noong Mayo 14 at nananatiling pinaghahanap ng mga awtoridad.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.