Nagcarlan, Laguna. Umayuda sa mass vaccination program na isinagawa kamakailan sa bayang ito si San Pablo City Mayor Amben Amante bilang pagsunod sa alituntunin ng Department of Health na tulungan ang mga bayan na malalapit sa mga designated vaccination site na katulad ng nasa San Pablo City.
Humigit kumulang na 2,080 doses ang nabakunahan sa mass vaccination na ginanap sa Nagcarlan Gym, sa pangunguna ni nina Laguna PHO Rene Bagamasbad, San Pablo CHO and chief of Hospital Dr. James Lee Ho, Nagcarlan Municipal Health Officer Dra. Cynthia E. Quebrado at ng mga health workers at frontliners ng mga nabanggit na local government unit.
Batay sa naunang report ng Virology Institute of the Philippines, nanguna ang Pablo City sa may pinakamalaking populasyon na nabakunahan na sa rate na 42.3% o 26.97% na lamang patungo sa herd immunity.
Maluwag na ang iskedyul ng bakunahan sa nabanggit na lungsod kung kaya inaasahan ng DOH na tutulong ito sa mga vaccination project ng mga kalapit bayan ayon na rin sa kanilang mga kahilingan, batay sa report.
Kasabay ng pagluwag ng iskedyul sa bakuna sa nabanggit na lungsod ay dumadami ang nagsasadya sa mga vaccination center sa San Pablo City upang dito magpabakuna kagaya ng mga taga Sto. Tomas at Rosario, Batangas at Tiaong at Candelaria, Quezon at iba pang mga residente sa mga kalapit bayan. “Hindi po natin maaaring tanggihan ang mga taga ibang bayan na dumarating upang magpabakuna dito sa San Pablo at ito naman po ay alinsunod tagublin ng NTF at NVOC na maaari po tayong magbakuna ng mga taga ibang bayan,” ayon kay Amante.
Matatandaan na ang rasyon sa bakuna ng Dolores, Quezon ay nakaimbak din sa cold storage system ng San Pablo City.
Kamakailan ay isinagawa ang “We Vax as One” partikular sa Mandaluyong at Pateros kung saan ang mga residente ng Metro Manila na hindi makakuha ng iskedyul sa kani kanilang local government unit ay maaari ng magpa iskedyul sa ibang LGU.
Sandy Belarmino
Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV. Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.