Libreng cleft lip at palate surgery, “Operation Tuli,” isasagawa sa San Pablo City sa Abril at Mayo

0
348

SAN PABLO CITY, Laguna — Maglulunsad ang San Pablo City District Hospital ng sunod-sunod na programang pangkalusugan para sa mga residente, kabilang ang libreng operasyon para sa may bingot at biyak na ngalangala sa Mayo at isang malawakang circumcision program sa Abril.

Isasagawa ang “Handog na Ngiti,” isang cleft lip and palate surgical mission, sa Mayo 16 at 17, 2026 sa nasabing ospital. Katuwang sa programang ito ang Jose R. Reyes Memorial Medical Center sa pamamagitan ng Department of Otorhinolaryngology – Head and Neck Surgery, kasama ang Philippine Society of Otorhinolaryngology – Head and Neck Surgery at ang Philippine Academy of Facial Plastic and Reconstructive Surgery.

Layunin ng surgical mission na matulungan ang mga pasyenteng may bingot at biyak ang ngalangala, mga kondisyong maaaring makaapekto sa pagsasalita, pagkain, at pangkalahatang kalusugan. Isasagawa ang screening at registration sa Abril 29, 2026, alas-9:00 ng umaga sa nabanggit na ospital. Hinihikayat ang mga magulang na ipasuri ang kanilang mga anak upang malaman kung kwalipikado para sa libreng operasyon.

Samantala, isasagawa rin ang “Operation Tuli 2026” sa Abril 30, 2026 sa nabanggit ding ospital. Tinatayang 300 slots lamang ang tatanggapin kaya pinapayuhan ang publiko na magpa-pre-register agad.

Ang pre-registration ay gagawin sa Records Section ng ospital. Kailangang kasama ang batang magpapatuli at ang kanyang magulang, kamag-anak, o legal guardian. Dapat dalhin ang PhilHealth ID ng magulang o anumang valid government-issued ID, pati na rin ang ID ng bata tulad ng school ID.

Hinihikayat ng mga organizer ang mga residente ng San Pablo City at karatig lugar na samantalahin ang mga libreng serbisyong ito na layong mapalawak ang access sa serbisyong medikal para sa mga nangangailangan.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa surgical mission, maaaring tumawag sa LPH-SPCDH sa 0992-571-7505 o sa ENT Department ng JRRMMC sa 0917-301-7807.


Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.