Magbiyenan arestado sa pagpatay sa 8-anyos na bata sa San Pablo City

0
38

SAN PABLO CITY, Laguna – Arestado na ang isang magbiyenan na itinuturong mga suspek sa brutal na pagpatay sa walong taong gulang na Grade 3 pupil na si Gianni Rick Nordero, at kasalukuyan na silang nasa kustodiya ng San Pablo City Police habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.

Si Gianni ay natagpuang patay noong Enero 9 sa isang madamong lugar malapit sa isang kuweba sa Barangay Santiago 2, ilang oras matapos siyang mawala habang naghahanda sanang pumasok sa paaralan. Ayon sa pulisya, nagtamo ang bata ng maraming taga at saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan, kabilang ang leeg, tiyan, tainga, at mga kamay. Nabalian din siya ng ilang tadyang.

Sa follow-up investigation, kinilala ng mga awtoridad ang pangunahing suspek na isang malapit na kamag-anak ng pamilya ng biktima. Sa pinakahuling development ng kaso, sinabi ng pulisya na isang magbiyenan ang kanilang inaresto at ngayon ay nasa kustodiya na habang isinasailalim sa mas malalim na imbestigasyon at inquest proceedings.

Batay sa imbestigasyon, nakita umano ng mga saksi ang pangunahing suspek na naghahasa ng itak bago mangyari ang krimen. Napansin din umano ng ilang residente na may mga mantsa ng dugo ang suot nitong damit makaraan ang insidente. Isa rin ito sa mga naging batayan ng mga imbestigador sa pagbuo ng kaso.

Isa sa mga tinitingnang motibo ng pulisya ay ang umano’y matagal nang alitan sa pagitan ng mga bata sa magkamag-anak na pamilya. Gayunman, sinabi ng mga awtoridad na patuloy pa ring sinusuri ang lahat ng ebidensiya upang matiyak ang buong pangyayari at ang partisipasyon ng bawat suspek. Itinanggi naman ng pangunahing suspek ang paratang at iginiit na wala siyang kinalaman sa krimen.

Ayon sa naunang ulat ng San Pablo City Police, bandang alas-6:00 ng umaga noong Enero 9 ay naghihintay si Gianni sa kanyang ama na maghahatid sa kanya sa paaralan. Nang matapos maligo ang ama, nawawala na ang bata at naiwan lamang ang kanyang school bag. Inakala ng pamilya na nauna na siyang pumasok sa eskuwela, ngunit nang alamin ito ng ama, wala ang bata sa paaralan kaya agad silang humingi ng tulong sa mga awtoridad at mga residente upang hanapin siya.

Bandang alas-11:00 ng umaga ay natagpuan ang duguang katawan ng bata sa isang liblib na lugar na nasa humigit-kumulang 50 metro mula sa daanang nag-uugnay sa kanilang bahay at sa pangunahing kalsada ng barangay.

Nauna dito aynag-alok ng P150,000 pabuya ang Lokal na Pamahalaan ng San Pablo City at Barangay Santiago 2 para sa impormasyong makatutulong sa pagkilala at pagdakip sa mga responsable sa krimen. Personal ding dumalaw sa burol ng bata si San Pablo City Mayor Arcadio “Najie” Gapangada Jr., na nangakong hindi titigil ang pamahalaang lungsod at ang pulisya hangga’t hindi naipagkakaloob ang hustisya sa biktima at sa kanyang pamilya.

Samantala, tiniyak ng Public Attorney’s Office (PAO) ang libreng legal at forensic assistance sa pamilya ni Gianni. Personal na bumisita sa lamay si PAO Chief Persida Rueda-Acosta kasama ang mga kinatawan ng Forensics Laboratory Division upang tiyaking mabibigyan ng sapat na suporta ang pamilya habang nagpapatuloy ang pag-usad ng kaso.

Patuloy namang hinihikayat ng San Pablo City Police ang sinumang may karagdagang impormasyon tungkol sa insidente na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang makatulong sa tuluyang paglutas ng kaso. Habang nasa kustodiya na ang mga suspek, inaasahan ang pagsasampa ng kaukulang kaso batay sa mga ebidensiyang nakalap ng mga imbestigador.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.