Marcoleta, Defensor pinigilang makalabas ng bansa; Estrada haharap sa plunder at graft cases sa Sandiganbayan

0
49

MAYNILA — Naglabas ang Sandiganbayan ng Precautionary Hold Departure Order (PHDO) laban kina Sen. Rodante Marcoleta, dating kongresista Mike Defensor, at dalawa pang indibidwal kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y plunder at indirect bribery na iniugnay sa campaign donations na umabot sa P75 milyon.

Ayon sa anti-graft court’s 7th Division, inilabas ang PHDO nitong Martes, Mayo 26, batay sa kahilingan ng Office of the Ombudsman na inihain noong Mayo 25.

Bukod kina Marcoleta at Defensor, sakop din ng kautusan sina Joseph Varias Espiritu at Aristotle Baluyut Viray. Ang PHDO ay pansamantalang nagbabawal sa mga iniimbestigahan na makalabas ng Pilipinas habang sinusuri pa ang kaso, kahit bago pa man maisampa ang pormal na reklamo sa korte.

Batay sa imbestigasyon ng Ombudsman, may posibleng kaso ng plunder sa ilalim ng Republic Act 7080 at paglabag sa Presidential Decree No. 46 o Anti-Gift Law. Inirekomenda rin ang pagsasampa ng kasong indirect bribery laban kay Marcoleta.

Nag-ugat ang kaso sa naunang imbestigasyon ng Commission on Elections kaugnay ng umano’y hindi pagdedeklara ni Marcoleta ng campaign donations sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

Ayon sa Ombudsman, nakatanggap umano si Marcoleta ng kabuuang P75 milyon na donasyon mula kina Defensor, Espiritu, at Viray sa loob lamang ng apat na araw noong Enero 2025.

Samantala, nakatakda namang sampahan ng plunder at malversation charges sa Sandiganbayan si Sen. Jinggoy Estrada ngayong Huwebes kaugnay ng umano’y iregularidad sa multi-milyong pisong flood control projects.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, pinipino na lamang ang kaso at inaasahang pipirmahan na ang case information laban sa senador.

“Plunder, and malversation [will be filed against Senator Estrada]. Pinupulido lang namin,” pahayag ni Remulla.

Wala pang opisyal na tugon ang kampo ni Estrada hinggil sa bagong kasong nakatakdang isampa.

Aabot na sa tatlong batch ng malversation at graft cases ang naihain ng Ombudsman sa Sandiganbayan mula Oktubre 2025 kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Sa oras na maisampa, si Estrada ang magiging ikatlong mambabatas na haharap sa kaso kaugnay ng naturang iskandalo, kasunod nina dating senador Bong Revilla at dating kongresista Zaldy Co.

Matatandaang nauna nang nakulong si Estrada dahil sa pork barrel scam. Siya rin ang pangalawang senador na naabsuwelto sa naturang kaso matapos si Revilla noong Hulyo 2021.

Gayunman, noong 2024, hinatulan siya ng Sandiganbayan ng guilty sa isang bilang ng bribery at dalawang bilang ng indirect bribery matapos umanong kumita ng P183 milyon mula sa mga ghost project na umano’y pinangasiwaan ni Janet Lim Napoles.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.