Kinumpirma ng Malacañang na humingi ng paliwanag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa France kung bakit nito hiniling ang pagpapalaya kay dating kongresista Zaldy Co mula sa kustodiya ng Czech Republic.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro noong Huwebes, itinanong ng Pangulo ang isyu sa pakikipagpulong nito sa French Ambassador na si Marie Fontanel noong Miyerkules, ngunit tumanggi ang embahada na magbigay ng karagdagang impormasyon.
“Tinatanong kasi ni Pangulo kay French ambassador kung bakit nirequest ng bansang France ‘yung pagrelease ni Zaldy Co from Czech Republic,” pahayag ni Castro.
“Pero ang tugon lang ni French Ambassador ay hindi siya makakapagbigay ng impormasyon so ginagalang ito ng Pangulo,” dagdag niya.
Sinabi rin ng Palasyo na hindi nasiyahan ang Pangulo sa naging kinalabasan ng kaso, na tinawag nitong “very unsatisfactory,” matapos mapalaya si Co mula sa kustodiya ng Czech authorities.
Ayon sa mga ulat, si Co ay naghain ng asylum sa France at iginiit ang umano’y political persecution sa Pilipinas. Batay sa impormasyon mula sa Department of Foreign Affairs, nasa ilalim na umano ng hurisdiksyon ng mga awtoridad ng France ang dating mambabatas.
Noong Abril 16, una nang inanunsyo ng Pangulo na naaresto si Co at nasa kustodiya ng Czech authorities dahil sa isyu ng kanyang travel documents. Kinumpirma rin ng Czech Republic sa pulong noong Miyerkules na nahuli si Co dahil sa invalid travel documents, ayon sa Malacañang.
Samantala, patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan ng Pilipinas para sa posibleng pagbalik ni Co sa bansa, sa pangunguna ng Department of Justice.
Sa hiwalay na ulat, sinabi ng isang witness mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na umano’y nakatanggap si Co ng ₱802 milyon mula sa Sunwest Construction, na kontratista ng umano’y ghost ₱289-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





