MORONG, Bataan | Oktubre 24, 2026 | Tinutulan ng mga residente, environmental groups at ilang opisyal ng Bataan ang planong rehabilitasyon at muling pagpapagana sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP), dahil sa mga pangamba sa kaligtasan ng publiko, epekto sa kapaligiran at mataas na gastos sa pagpapatakbo ng pasilidad.
Ayon sa ulat ng TV5 noong Oktubre 23, iginiit ng Nuclear-Free Bataan Movement na hindi dapat isakripisyo ang kaligtasan ng mga komunidad kapalit ng inaasahang benepisyo ng nuclear energy. Nagpahayag din ng pangamba ang ilang residente tungkol sa posibleng epekto ng operasyon ng planta sa kapaligiran at kabuhayan ng mga umaasa sa dagat.
Sinabi naman ni Bataan Governor Jose Enrique “Joet” Garcia III noong Agosto na hindi siya tutol sa paggamit ng nuclear enegry, ngunit hindi na niya itinuturing na mainam na lokasyon ang Bataan para sa muling pagpapagana sa lumang planta. Ayon sa opisyal na website ng pamahalaang panlalawigan, kabilang sa kaniyang mga alalahanin ang dami ng mahahalagang pasilidad pang-industriya at pang-enerhiya sa lalawigan, gayundin ang kalagayan ng mga bulkan sa paligid ng planta.
Itinayo ang BNPP sa Morong, Bataan, sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Bilang tugon sa krisis sa enerhiya noong dekada 1970, sinimulan ang konstruksyon noong 1976 at natapos ang pasilidad noong 1984. Gayunman, hindi ito kailanman nagamit sa komersiyal na operasyon dahil sa mga pangamba sa kaligtasan, mga isyung pampulitika at pagtutol ng publiko, na lalong tumindi matapos ang aksidente sa Chernobyl nuclear power plant sa Ukraine noong 1986.
Muling pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad na rehabilitahin at gamitin ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) bilang bahagi ng pangmatagalang plano sa enerhiya ng bansa. Sa tugon ng Department of Energy (DOE) sa isang kahilingan sa ilalim ng Electronic Freedom of Information noong Hulyo 21, 2026, sinabi ng ahensiya na patuloy na sinusuri ang teknikal na kakayahan, kaligtasan at pagiging matipid ng muling paggamit sa planta. Wala pang pinal na desisyon ang pamahalaan kung bubuksan at patatakbuhin ito. Samantala, ayon sa National Power Corporation (NAPOCOR), na nangangasiwa sa pangangalaga ng pasilidad, nananatiling hindi ito gumagana bilang isang commercial electric plant.
Samantala, iginiit ng mga tumututol na dapat unahin ang kaligtasan ng mga residente at pag-aralan ang mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya, kabilang ang renewable energy. Nanawagan din sila ng masusing pagsusuri sa gastos, pamamahala ng radioactive waste at pangmatagalang pananagutan sa pasilidad bago magpasya ang pamahalaan.
Sa kasalukuyan, nananatiling hindi pa napagpapasiyahan ang muling pagpapagana sa BNPP. Ayon sa tugon ng DOE sa isang kahilingan sa ilalim ng Freedom of Information noong Hulyo 2026, hindi pa ito naisasailalim sa komersiyal na operasyon at patuloy na pinananatili ng National Power Corporation sa ilalim ng preservation program habang sinusuri ng pamahalaan ang teknikal na kakayahan, kaligtasan at pagiging matipid ng paggamit dito.
ADVERTISEMENT


DC Alviar
Professor DC Alviar is a tenured associate professor at National University (NU) Manila and a steering committee member of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He has contributed to NU's community extension initiatives that introduced the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities within a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with Master of Development Communication (MDC) and Doctor of Communication (DComm) degrees from the University of the Philippines (UP) Open University in Los Baños and was awarded with a Commission on Higher Education (CHED) SIKAP grant. He previously served as editor-in-chief of The Adamson News and his high school publication Ang Ugat.





