Minorya nag-walk out sa mainitang debate sa panukalang remote voting sa Senado

0
40

MAYNILA — Nag-walk out ang mga senador ng minorya sa plenary session ng Senado nitong Martes sa gitna ng mainitang talakayan hinggil sa panukalang amyendahan ang rules upang payagan ang remote participation o teleconferencing sa mga sesyon.

Nauwi sa kawalan ng quorum ang sesyon matapos umalis ang minority bloc sa session hall, dahilan upang magmosyon si Senate Minority Leader Sen. Vicente “Tito” Sotto III para sa quorum call at pag-adjourn ng pagdinig.

Ayon kay Senate President Alan Peter Cayetano, hindi tututol ang mayorya sa pag-adjourn ng sesyon ngunit ilalagay sa opisyal na talaan na ang mga miyembro ng minorya ay “scampered” mula sa plenaryo.

Nagsimula ang tensyon nang iharap ni acting Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva ang panukala ni Sen. Rodante Marcoleta na amyendahan ang Senate rules upang pahintulutan ang mga senador na dumalo sa plenary sessions sa pamamagitan ng teleconferencing.

Sinang-ayunan ni Cayetano ang pagtalakay sa plenaryo ng naturang panukala, na tinutulan naman ng mga senador ng minorya.

Sa gitna ng pag-uusap, hinikayat ni Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri ang ilang miyembro ng minority bloc na lisanin ang plenary hall matapos igiit ng mayorya na ituloy na ang botohan.

“This is a travesty of our rules,” pahayag ni Zubiri habang umiigting ang pagtatalo sa loob ng Senado.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.