Most Wanted Person na lolo na may kasong rape sa Bicol arestado sa Laguna

0
204

SAN PABLO CITY, Laguna. Inaresto ng mga pulis ng San Pablo City Police Station (CPS) ang isa sa mga pinaka mahigpit na pinaghahanap na kriminal sa CALABARZON, sa kasong panggagahasa sa Camarines Norte.

Kinilala ni  Laguna Police Provincial Director na si PCOL Harold P. Depositar ang suspek na si alias “Lolo Deng,” 69 taong gulang at residente ng San Pablo City, Laguna.

Ayon kay PLTCOL Wilhelmo S. Saldivar Jr.,hepe ng San Pablo CPS, inaresto ang akusado noong ika-31 ng Hulyo, 2023 sa Brgy. San Jose sa nabanggit na lungsod sa ilalim ng isang manhunt operation sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong June 5, 2023, ng Regional Trial Court, Branch 64, Labo, Camarines Norte sa kasong rape through sexual assault.

Ayon pa rin kay Saldivar, ang dinakip ay rank number 2 sa listahan ng most wanted persons ng PRO-Calabarzon.

Nakakulong siya ngayon sa San Pablo City detention cell. Katulad ng karaniwang gawain, ipagbibigay-alam ng mga awtoridad sa korte ang pagka aresto kay Lolo Deng, alinsunod sa kahalagahan ng pagrespeto sa proseso ng batas.

“Sa pakikipagtulungan ng bawat mamamayan sa Laguna ay hindi magiging taguan ng mga akusado ang probinsya ng Laguna,” dagdag ni Depositar at iginiit na ang mahalagang papel ng bawat mamamayan sa Laguna sa pagtulong sa awtoridad upang mahuli at mapanagot ang mga kriminal.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.