Palasyo: Walang ‘force majeure’ para sa online voting sa Senado, umani ng batikos ang mayorya

0
36

MAYNILA, — Sinabi ng Malacañang nitong Miyerkules na walang umiiral na “force majeure” na sitwasyon na magbibigay-katwiran para payagan ang online voting o teleconferencing sa Senado, kasabay ng mainit na pagtatalo sa panukalang pagbabago ng rules at pag-walkout ng minority bloc sa isang sesyon kamakailan.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, walang kalamidad o pambihirang pangyayari sa kasalukuyan na maaaring magpahintulot ng paglihis sa umiiral na patakaran ng Senado hinggil sa pisikal na pagdalo at pagboto.

“Dati naman ay napayagan ang online voting, Zoom meeting, dahil mayroon tayong kalamidad na hinaharap noon. At sa pagkakataong ito, wala naman tayong masasabi na anumang force majeure o calamity na mag-justify ng online voting,” pahayag ni Castro sa sidelines ng state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan.

Nilinaw ni Castro na hindi ito desisyon ng Pangulo o ng ehekutibong sangay, ngunit binigyang-diin na mahirap bigyang-katwiran ang paglahok sa sesyon kung wala ang mga mambabatas sa aktuwal na deliberasyon at diskusyon.

Dagdag pa niya, maaaring maging pagkakataon ang usapin upang makita ng publiko kung ang mga lider ng Senado ay nagtatrabaho para sa interes ng bayan o para sa mas makitid na layunin.

Samantala, nag-walkout ang minority bloc ng Senado noong Martes ng gabi matapos ang mainit na talakayan hinggil sa mosyon na magpapahintulot sa mga senador na dumalo sa plenary sessions at bumoto sa ilalim ng “justifiable circumstances,” kabilang ang teleconferencing.

Ikinabahala ng mga senador mula sa minorya ang umano’y pagmamadali sa panukala, kung saan sinabi ni Sen. Erwin Tulfo na tila isinusulong ito upang ma-accommodate si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na nahaharap sa mga kaso.

“Halatang-halata naman na para ma-accommodate nila si Senator Bato, kung sino man ‘yung hulihin na dalawa,” ani Tulfo sa plenaryo.

Ayon sa ulat, 11 miyembro ng minority bloc ang tuluyang lumabas ng sesyon matapos tumindi ang debate sa panukalang amyenda sa rules ng Senado.

Si Senate President Juan Miguel Zubiri, na isa rin sa mga nag-walkout, ay binigyang-diin ang kanyang dating paninindigan laban sa teleconferencing noong panahon ng panukala para kay dating senador Bong Revilla, at sinabing nananatili siyang konsistent sa kanyang posisyon.

Ipinunto rin niya na noong panahon ni yumaong Sen. Miriam Defensor Santiago, hindi ito humiling ng exemption kahit may malubhang sakit, at sa halip ay nag-file ng medical leave bilang paggalang sa rules ng Senado.

Samantala, sinabi rin ni Sen. Win Gatchalian na hindi dumaan sa tamang proseso ang panukalang amyenda at nagbabala na maaaring magbukas ito ng posibilidad na makaboto ang mga senador kahit hindi pisikal na naroroon sa sesyon.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.