MAYNILA — Inatasan ni Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Energy sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company na bumili ng kabuuang 318 milyong litro o katumbas ng dalawang milyong bariles ng krudo mula sa iba’t ibang bansa upang palakasin ang suplay ng enerhiya ng bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Sharon Garin na bahagi ito ng hakbang ng pamahalaan upang matiyak ang sapat na suplay ng langis sa gitna ng umiiral na tensyon sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Garin, inaasahang darating agad sa bansa ang 165 milyong litro mula sa kabuuang inangkat, na manggagaling sa Malaysia, Singapore, India, at Oman.
Dahil dito, tiniyak ng kalihim na hindi dapat mangamba ang publiko sa posibilidad ng kakulangan ng krudo sa bansa, sa kabila ng patuloy na kaguluhan sa Middle East.
Binigyang-diin ni Garin na kahit wala pa ang komite na tinutukoy bilang UPLIFT, nauna nang iniutos ng Pangulo sa PNOC na kumuha ng sariling suplay upang madagdagan ang reserba ng mga oil company sa Pilipinas.
“In fact, ang kabuuang 165 million liters ang ina-acquire ng PNOC. Ang target nito kasi is 318 million liters, 2 million barrels,” pahayag ni Garin.
Dagdag pa ng opisyal, nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa iba pang bansa upang makahanap ng alternatibong mapagkukunan ng krudo at hindi lamang umasa sa Middle East, partikular sa Strait of Hormuz.
Nilinaw rin ni Garin na ang tinatawag na 50-araw na oil reserve ay hindi nangangahulugang mauubos ito sa loob ng nasabing panahon, kundi patuloy itong nadaragdagan sa oras na dumating ang mga bagong suplay sa bansa.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





