MAYNILA — Nilagdaan na ni Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act (RA) No. 12316 na nagbibigay sa Pangulo ng emergency powers upang suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Layunin ng bagong batas na mapagaan ang epekto ng tumataas na presyo ng fuel sa mga Pilipino, lalo na sa sektor ng transportasyon, agrikultura, at pangingisda.
Kasabay nito, sinimulan na ng pamahalaan ang pamamahagi ng fuel subsidies para sa mga public transport operators, magsasaka, at mangingisda upang makatulong sa pag-offset ng kanilang gastusin sa krudo. Naglaan din ang gobyerno ng bilyong piso upang patatagin ang suplay at presyo ng enerhiya, kabilang ang P20 bilyon mula sa Malampaya Gas Fund.
Nauna rito, idineklara ng Pangulo noong Marso 24 ang state of national energy emergency sa pamamagitan ng Executive Order No. 110, kasabay ng pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT). Layunin ng hakbang na ito ang pagpapalakas ng whole-of-government response upang matiyak ang sapat at matatag na suplay ng enerhiya, habang sinusuportahan ang mahahalagang sektor gaya ng transportasyon, agrikultura, at micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Ayon sa EO, magsisilbing balangkas ang UPLIFT para sa koordinadong aksyon ng mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang pangunguna ng Department of Energy sa pamamahala ng suplay ng enerhiya, kasama ang iba pang hakbang para sa kapakanan ng mga konsyumer at apektadong sektor.
Sa pahayag ng Pangulo, bukas ang gobyerno sa lahat ng posibleng solusyon upang matugunan ang krisis sa enerhiya.
“Nothing is off the table. We are looking at everything, everything that we can do. And so whatever suggestion that has been brought to us, whatever idea that we have come up with, we are examining it very, very closely in great detail to see if it is going to be advantageous to our people,” ani Marcos.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





