MANILA, Philippines — Posibleng makaranas ng panibagong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa Pilipinas ngayong linggo dahil sa muling paglala ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na nagdulot ng pangamba sa pandaigdigang suplay ng langis.
Batay sa pagtataya ng mga source mula sa industriya ng langis, maaaring tumaas ng hanggang P2 kada litro ang presyo ng gasolina, habang posibleng madagdagan naman ng humigit-kumulang P1 kada litro ang presyo ng diesel.
Ang inaasahang pagtaas ay iniuugnay sa panibagong kaguluhan sa Gitnang Silangan matapos muling magpalitan ng pag-atake ang Estados Unidos at Iran, kabilang ang mga insidenteng may kaugnayan sa seguridad sa paligid ng Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng pandaigdigang kalakalan ng langis.
Ayon sa mga ulat, nagsagawa ang Estados Unidos ng karagdagang opensiba laban sa mga target na may kaugnayan sa kakayahang militar ng Iran matapos ang iniulat na pag-atake ng Iranian drone laban sa isang cargo vessel sa rehiyon. Iginiit naman ng Iran na ang mga aksyon ng Washington ay paglabag sa kasunduan sa tigil-putukan at nagbanta ng pagtugon.
Nauna dito, nagpatupad ang mga kompanya ng langis sa Pilipinas ng malaking pagbaba sa presyo ng petrolyo noong nakaraang linggo kasunod ng pagbuti ng sa suplay ng langis matapos ang paglagda ng pansamantalang ceasefire arrangement sa pagitan ng dalawang bansa.
Gayunman, muling naging sensitibo ang pandaigdigang merkado ng langis dahil sa posibilidad na maapektuhan ang suplay at pagpapadala ng krudo sakaling lumawak ang tensyon sa rehiyon. Ang Strait of Hormuz ay itinuturing na isa sa pinakamahalagang oil chokepoint sa mundo dahil dito dumaraan ang malaking bahagi ng pandaigdigang shipment ng langis.
Ayon sa Department of Energy, patuloy nitong mino-monitor ang galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at ang magiging epekto nito sa lokal na presyo ng produktong petrolyo.
Karaniwang inaanunsiyo ng mga kompanya ng langis ang lingguhang pagbabago sa presyo tuwing Lunes, habang ipinapatupad naman ang bagong presyo sa mga istasyon ng gasolina pagsapit ng Martes.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





