San Pablo City 2028 elections: Hindi audition kundi seryosong pagpili ng mga lider

0
87

Habang papalapit ang halalan sa 2028, palutangin natin ang mahahalagang usapan tungkol sa direksyon ng San Pablo City at sa uri ng liderato na kailangan nito. Bago tayo sumilip sa mga pangalan ng posibleng kandidato, importanteng suriin muna ang kasalukuyang kalagayan ng lokal na pamahalaan.

Sa nagdaang mahigit na isang taon, nasaksihan natin ang tensyon sa pagitan ng executive at legislative. Natural naman sa demokrasya ang pagkakaroon ng checks and balances at iba’t ibang pananaw, pero naging problema ang benggahan, political alignment, at legal disputes na pumipigil sa mga dapat sana ay mabilis na aksyon para sa mamamayan.

Kapag ang mga halal na opisyal ay mas nalulubog sa partisan differences at institusyonal na hidwaan, bumabagal ang pagpasa ng ordinansa, nagtatagal ang implementasyon ng proyekto, at naiisantabi ang agarang pangangailangan ng publiko. Talo dito ang ordinaryong San Pableño. Nawiwindang tayo at hindi natin matiyak kung alin ang totoo at hindi totoong isyu.

Dahil sa mga pangyayaring ganito, mahalagang pag-usapan natin ang uri ng vice mayor at konsehales na kailangan ng lungsod sa 2028.

Hindi lamang tagapangasiwa ng Sangguniang Panlungsod ang vice mayor. Inaasahang siya ang huhubog sa direksyon ng mga ordinansa at deliberasyon ng lungsod. Siya rin ang nagsisilbiing huwaran sa pagsunod sa ethical standard ng sanggunian.

Isa sa mga pangalang matingkad na lumulutang sa mga personal na konsultasyon at obserbasyon ay si Monsignor Jerry Bituon. Bilang isang retiradong senior cleric, tinitingnan siya bilang matibay na moral na gabay sa proseso ng sanggunian. Nakikita siya bilang potensyal na tagapagtaguyod ng mas maayos, disiplinado, at prinsipyadong diskusyon sa konseho.

Aktibo si Monsi sa mga gawaing sibiko. Sa kasagsagan ng flood control scam, binuo niya ang SAPAK o San Pablo Ayaw sa Korapsyon. Miyembro rin siya ng Friends of Seven Lakes na nagbabantay sa mga lawa ng lungsod. Sa madaling salita, matagal na siyang kasangkot sa mga usaping panglunsod ng San Pablo.

Malamang na magtampo sa akin si Monsi. Baka isipin niya na sa kabila ng kanyang kabanalan ay inilalagay ko siya sa konteksto ng maruming pulitika. Patawad po, pero hinihingi na ng San Pablenos ang isang sangguniang may takot sa Diyos at may hiya sa taumbayan.

Batay sa personal na survey, obserbasyon, at lokal na konsultasyon, papangalanan ko ang ilang bago at lumang pangalan na isasalang ko sa diskusyon bilang mga posibleng miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa 2028. Hindi ito opisyal na endorsement kundi pagbubukas lamang ng mas malawak na pagtalakay sa kung paano tayo pipili ng mga susunod na local lawmakers.

Raymond Estrellado. CEO ng ilang Seven-Eleven stores sa San Pablo City. Masipag at batikang negosyante na may solid na kakayahan sa business management. Naging regional officer ng JCI San Pablo 7 Lakes at isa sa mga naging tagapagtaguyod ng matagumpay na proyekto kagaya ng Kabyaw sa Kalikasan. Kung uupong konsehal, maaari siyang makatulong sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng job creation, suporta sa maliliit na negosyo, at mas aktibong public-private partnerships na nakapokus sa grassroots development.

Paul Andrei Roset. Muntik nang tinalo nito si Buhay Espiritu sa isang eleksyon sa batang edad na wala pang trenta. Nag-aaral ngayon ng abogasya sa Ateneo de Manila, pero baka mag-graduate na sa 2028. Berde ang utak ng batang ito at may malinaw na indikasyon na gaganap bilang mahusay na mambabatas. Bilang konsehal, maaari siyang mag-ambag sa mas matibay na paggawa ng ordinansa, policy research, at legislative drafting mula sa kanyang formal studies sa batas at karanasan sa lokal na local politics. 

Myrone Zabat Jr., CEO ng Milmar Distilleries. Mahusay na negosyante at walang record na naging madaya. Low-key pero nakapagbangon ng ilang negosyong lulugmok na. Pangulo ngayon ng aktibong grupo ng mga lokal na siklista at radio group. Ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig ngunit nakikitagay sa baso ng Nescafé. Ang kahusayan niya sa paghawak at pamamahala ng pera ay puwedeng i-translate sa maingat at responsableng pagbabantay at paggamit ng pondo ng bayan.

Dong Fullo. Kilala siya bilang admin ng San Pablo Public Form na may 181.4K followers. Kung tatakbo ito sa 2028 at dadalhin ng kanyang mga tagasunod, bingo na. Hindi biro ang natutulungan ng taong ito gamit ang kanyang social media platform. Mula sa nawawalang pitaka hanggang sa pangangailangan sa incubator. Sumbungan siya ng bayan. Noong panahon ng pandemya, katulong siya ng marami sa paghahanap ng ospital para sa mga pasyenteng halos nawalan na ng pag-asa. May magagawa din ang social media influencer bilang konsehal sa pagpapalakas ng partisipasyon ng publiko.

Barbie Diaz. May potensyal ang dalagang ito sa tantya ng masa. Dangan nga lamang at hindi pa nasusubukan ang tunay na galing dahil hindi makaporma sa gitna ng mala-Flavian amphitheatre na madalas ang gladiator fight. Puwede siyang payagang mag-retake para subukan ang tunay na kakayahan sa public service.

Raffy de la Cruz. Simpleng tao na may matatag na background. Masipag at magaling na negosyante, may propesyonal na disiplina sa trabaho. Matapang manindigan sa kanyang mga prinsipyo. Maaasahan siya sa local business development at job creation programs, pati na rin sa pagsusulong ng mas maayos na business climate at disiplina sa pamamahala ng lungsod.

Edgardo Marilim. Isang abogado na may malawak na karanasan sa private legal practice. Wala siyang naitalang kaso ng disbarment sa mga public record. Nakikitaan ng pagiging consistent sa kanyang mga prinsipyo. Posibleng maging tool sa pagsusulong ng integridad sa pamahalaan. Maaasahan din siya sa pagsusulong ng grassroots sports programs at community fitness initiatives bilang isang sports at marathon enthusiast.

Romy Race. Miyembro siya noon at ngayon ng board ng San Pablo City Water District. Disente at approachable na tao. Genius na negosyante. Interesting na masubukan ang kanyang liderato sa bulwagan ng sanggunian. Puwede siyang asahan sa pagpapalakas ng local revenue generation tulad ng buwis, negosyo, at investments.

Jojo Agoncillo. CEO ng 3J Corporation. May sinasabi sa buhay pero walang arte. Naging presidente ng San Pablo 7 Lakes Jaycees at Rotary San Pablo Central. Matagal nang nagbibigay ng trabaho sa kanyang mga kalungsod, pero tahimik lang. Gamit ang kanyang karanasan bilang CEO at lider ng civic organizations maaari siyang bumuo ng mga ordinansang hihikayat ng negosyo, mas maraming trabaho, at mas maayos na public-private partnerships

Totoy See. Wala pwedeng kumontra sa kabaitan ng taong ito. Hindi pagmumulan ng babag, pero handang makipagbuno para sa tama. Bilang dentista, inaasahang gagamutin niya ang lahat ng nagsasanhi ng sakit at kirot sa sanggunian. Mapapakinabangan siya sa pagsusulong ng mas maayos na public health at social services programs, partikular sa oral health care at preventive health initiatives.

Jess Alava. Isang overseas-based Filipino na maaaring magdala ng international exposure at bagong pananaw kung babalik sa lokal na pamamahala. Dating mahusay na bokal na nangibang bansa ngunit nananatiling nagmamahal sa kanyang bayan. Kung magiging  konsehal, makakatulong siya sa pagdadala ng international experience sa lokal na pamamahala, lalo na sa diaspora engagement at mas modernong local government services.

Edwin de Mesa. Huwarang pulis na hindi makabasag-pinggan. Aktibo sa mga iba’t ibang gawaing mula sa peace and order hanggang sa environmental protection. Nakikita ang kanyang kakayahang mag-ambag sa legislative responsibilities batay sa lokal na karanasan at engagement. Makatulong sa pagpapalakas ng peace and order programs, pagbubuo ng mas epektibong ordinansa sa public safety, at pagsusulong ng environmental protection initiatives.

Bobby Azores. Matagal nang environmental activist, at isa sa mga may-akda ng panukala para sa relokasyon ng mga informal settler sa paligid ng Sampaloc Lake. Lolo siya ng sikat na child star na si Sarina, pero hindi ito batayan sa pagkilatis ng kanyang track record. Maaaring makatulong ang kanyang karanasan sa environmental advocacy at sa pagbuo ng mga policy framework sa urban environmental management at sustainable relocation.

Kabilang sa pamantayang ginamit sa listahang ito ang posibilidad na ang mga nabanggit na lalaki at babae ay hindi nakatali sa tradisyunal na political dynasty o dominanteng political blocs sa lungsod. Dahil dito, may paniniwalang maaari silang magdala ng mas independent na pananaw sa paggawa ng batas.

Sinuri ang performance at gawi ng pamumuhay ng karamihan sa binanggit na ‘konsehalables’ bilang mga ordinaryong tao. Hindi sila nakitaan ng senyales na magtataguyod ng family-based political power sakaling mabigyan ng kapangyarihan. Sinilip din ang kanilang academic background, integrity at character, competence at legislative potential, independence at accountability, community involvement, at balanced political alignment.

Gayunpaman, hindi ito garantiya ng mas mahusay na pamumuno. Ang tunay na sukatan ay nananatili pa rin sa aktuwal na performance, transparency, at serbisyo sa mamamayan.

Kung nais nating mag-take off ang San Pablo City, kailangan nating maging mas mabusisi at responsable sa pagpili ng mga lider para sa 2028. Hindi sapat ang kasikatan, yaman, apelyido, o maingay na kampanya. Huwag na tayong magpapadala sa mga kiss-kiss, kamay-kamay, kaway-kaway, kanta-kanta, sayaw-sayaw, smile-smile… Huwag na tayong matuwa sa galing sa pananalumpati o husay sa pag-arte dahil napatunayan na natin na halos lahat ng iyon ay drawing lamang.

Hindi baleng hindi pogi o hindi maganda basta marunong, may kunsensya at may hiya. Importante ang hiya. Yung mahihiyang mabansagang magnanakaw, mahihiyang masabing namumulitika at mahihiyang tumanggap ng sweldo na hindi niya deserve. At higit sa lahat, yung nahihiyang yumaman gamit ang ating tiwala.

Hindi rin mahalaga kung may partido sila o wala. Mas ok pa nga kung wala nang sa ganoon ay wala silang amo na kailangang kampihan, kasukdulang tapakan ang kapakanan ng mamamayan.

Mahalaga ring tandaan na kung sila ay nakaupo na at hindi nila nakakatugon sa ating inaasahan, may ayawan naman ‘yan. Lagi tayong may kapangyarihang palitan sila sa tuwing eleksyon. Wala tayong pananagutan na patapusin sila ng tatlong termino ha. Huwag natin silang kunsintihing yumaman sa puwesto.

Tigilan na natin ang paghingi ng T-shirts, pamaypay, wrist ballers, at kung ano pang anik-anik. Mainam yung wala silang babawiing kapital sakaling makaupo sila.

Handa ba tayong itama ang direksyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng ating boto?

Praktis-praktis na tayo sa pagkilatis ngayon na.

Paalala: Ang artikulong ito ay nakatuon lamang sa pagtalakay sa Sangguniang Panlungsod at sa mga posibleng kandidato para dito. Hindi nito saklaw ang pagsusuri o pagbanggit ng mga kandidato para sa posisyon ng acity mayor, representative sa kongreso, o miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.