San Pablo City magsasagawa ng Nationwide Simultaneous Earthquake Drill, pinahusay ang kahandaan sa sakuna

0
59

SAN PABLO CITY — Nakiisa ang Lungsod ng San Pablo sa 2026 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) nitong Hunyo 18, 2026 sa ganap na 9:00 ng umaga bilang bahagi ng patuloy na pagpapatibay ng kahandaan ng mga komunidad laban sa lindol at iba pang sakuna.

Pinangunahan ng lokal na pamahalaan ang aktibidad kung saan sabay-sabay na isasagawa ang “Duck, Cover, and Hold” sa mga tahanan, paaralan, opisina, at iba pang pampublikong lugar. Ang lungsod ang nagsilbing host ng 2nd quarter drill, alinsunod sa pambansang programa ng disaster preparedness.

Ayon sa pamahalaang lungsod, layunin ng NSED na mapataas ang kamalayan at kahandaan ng publiko sa oras ng sakuna, kasabay ng pagpapatibay ng koordinasyon ng mga ahensya sa emergency response.

Sa hiwalay na aktibidad, isinagawa rin ang Oath Taking Ceremony para sa mga Safety Officers ng lokal na pamahalaan ng San Pablo City kasabay ng Occupational Safety and Health, Disaster Risk Reduction and Management (DRRM), at operational awareness seminar.

Tinalakay sa seminar ang mahahalagang kaalaman sa kaligtasan at tamang pagtugon sa mga emerhensiya, kabilang ang basic life-saving techniques tulad ng Cardiopulmonary Resuscitation (CPR). Nagbahagi ng kaalaman sina DRRM focal person Arvin Carandang, Safety Officer Robin James Abrenica, Training Section Chief John Carlo Palad, at Operations Section Chief Christopher Salupado.

Dumalo rin si City Administrator Atty. Joseph Marnic V. De Mesa bilang kinatawan ni Mayor Arcadio “Najie” B. Gapangada Jr., MNSA. Sa mensaheng ipinaabot ng alkalde, binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na pagsasanay at paghahanda ng mga kawani ng pamahalaan upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng sakuna.

Bilang bahagi ng pagpapalakas ng kakayahan sa emergency response, namahagi rin ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng mga first aid kit sa mga safety officers ng iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa CDRRMO, ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng lungsod upang palakasin ang kahandaan, resilience, at mabilis na pagtugon sa anumang uri ng sakuna.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.