MAYNILA – Tuluyan nang sinibak sa serbisyo ng pamahalaan si dating Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, kasunod ng administratibong imbestigasyon sa insidente ng pagpapaputok ng baril sa loob ng Senado noong Mayo.
Sa panayam sa DZRH nitong Sabado, sinabi ni Remulla na nilagdaan na niya noong Hunyo 29 ang kautusan na nagtatanggal kay Aplasca sa serbisyo bilang Acting Sergeant-at-Arms ng Senado at Sergeant-at-Arms ng Commission on Appointments.
“Noong Monday, napirmahan ko na ang dismissal ni Mao Aplasca from the service. Acting Sergeant-at-Arms ng Senate at Sergeant-at-Arms ng Commission on Appointments, dinismiss na namin from the service,” ani Remulla. Dagdag pa niya, ilalabas sa publiko ang buong desisyon upang makita ang batayan ng naging pasya ng kanyang tanggapan.
Sa oras ng paglalathala, wala pang pahayag si Aplasca kaugnay ng kanyang pagkakatanggal sa serbisyo.
Si Aplasca ay una nang isinailalim sa anim na buwang preventive suspension nang walang sahod noong Mayo 15 habang iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang kanyang umano’y papel sa insidente ng putukan sa Senado noong Mayo 13. Ayon kay Remulla noon, kinakailangan ang preventive suspension upang hindi maimpluwensiyahan ang nagpapatuloy na imbestigasyon.
Nag-ugat ang kontrobersiya sa operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Senado upang ipatupad ang warrant of arrest laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng mga kasong may kaugnayan sa crimes against humanity. Sa gitna ng komprontasyon, umamin si Aplasca na ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms ang unang nagpaputok ng tinawag niyang “warning shots.” Ayon sa mga naunang ulat, umabot sa 27 warning shots ang pinakawalan, na nagdulot ng matinding takot at lockdown sa buong Senate complex. Kalaunan ay nakaalis si Dela Rosa sa gusali at nananatiling hindi naaaresto.
Noong Hunyo 3, pinalitan si Aplasca bilang Acting Senate Sergeant-at-Arms ni retiradong Police Major General Alfredo Sotto Corpuz, ilang linggo matapos ang insidente.
Bukod sa administratibong kaso na nauwi sa kanyang pagkakatanggal sa serbisyo, nahaharap din si Aplasca sa hiwalay na reklamo sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y obstruction of justice kaugnay ng insidente sa Senado. Nauna ring inatasan ng Ombudsman sina Aplasca, Sen. Alan Peter Cayetano, at Sen. Robin Padilla na magsumite ng kanilang counter-affidavits bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.
Hindi pa isinapubliko ng Office of the Ombudsman ang buong nilalaman ng dismissal order, kabilang ang detalyadong legal na batayan ng desisyon. Inaasahang ilalabas ito sa mga susunod na araw upang mabusisi ng publiko at ng media.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





