Sumuporta ang mga senador sa pag-aaral na ipagpaliban ang ASEAN Summit 2026

0
162

Nagpahayag ng suporta ang ilang lider ng Senado noong Lunes sa panawagang pag-aralan ang posibleng pagpapaliban ng pagho-host ng Pilipinas sa 2026 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at kaugnay na mga pulong, upang makatipid ng mahigit P17 bilyon sa gitna ng tumitinding pressure sa ekonomiya dulot ng labanan sa Middle East.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, dapat ikonsidera ng pamahalaan ang mungkahi ni dating Finance Secretary Margarito Teves.

“The Executive department might consider that,” ani Sotto. “The times call for such a possible move.”

Sang-ayon din si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, na naniniwalang mauunawaan ng mga karatig-bansa sa Southeast Asia kung sakaling ipagpaliban ng Pilipinas ang pagho-host ng ASEAN Summit.

“Former Secretary Gary Teves’ proposal merits at least serious study and possible reconsideration. I think our ASEAN neighbors would understand,” ani Lacson.

Nakatakdang pamunuan ng Pilipinas ang ASEAN sa 2026 kasunod ng termino ng Malaysia. Noong nakaraang taon, humiling ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso ng aprubal para sa pondong aabot sa P17,495,734,000 para sa nasabing summit.

Ipinunto naman ni Senador Imee Marcos na hindi nararapat gumastos ng ganitong kalaking halaga sa kasalukuyang kalagayan ng bansa.

“Pwedeng simpleng meetings na lang at pati mga kapwa nating members sa ASEAN namomroblema rin,” aniya.

Dagdag pa niya, kung hindi maiiwasan ang pagho-host, maaari itong gawing mas simple at gamitin ang pagkakataon upang humingi ng suporta mula sa mga bansang may produksyon ng langis tulad ng Brunei, Indonesia, at Malaysia.

Samantala, iginiit ng Malacañang na nananatiling sapat ang suplay ng langis sa bansa, bagama’t kinilala ang umiiral na “price disruption.”

Nanawagan naman si Senador Bam Aquino na ideklara ang state of national emergency, dahil aniya ay nasa “emergency level” na ang kalagayan ng maraming pamilyang Pilipino.

“Unang-una, ‘pag may state of national emergency, pwede silang maglagay ng price ceiling sa mga essential goods. Pangalawa, iyong ayuda na nilaan namin sa 2026 budget, ilabas na at ibigay na sa transport workers at suporta sa mga MSMEs,” ani Aquino.

Nangako rin si Aquino na babantayan ang paggamit ng emergency powers na maaaring ibigay sa Pangulo, kabilang ang pagsuspinde o pagbabawas ng fuel excise taxes.

Nauna nang pinagtibay ng House of Representatives ang bersyon ng Senado ng panukalang batas upang tugunan ang tumataas na presyo ng langis.

Para naman kay Senador JV Ejercito, dapat bumuo ang pamahalaan ng isang inter-agency task force upang paghandaan ang posibleng epekto ng lumalalang tensyon sa Middle East sa ekonomiya at enerhiya ng bansa.

“Sana magtatag na ng force para mapag-usapan kung ano ang puwedeng gawin… kung ano ang plano sa pagtitipid o austerity measures,” aniya.

Naghain naman si Senador Francis Escudero ng panukala para magtayo ng government-owned crude oil storage facility upang matugunan ang problema sa tumataas na presyo ng produktong petrolyo.

Sa ilalim ng panukala, magtatayo ng crude oil tank farm na may kapasidad na mag-imbak ng suplay para sa 90 hanggang 180 araw na konsumo ng bansa, na may paunang pondo na P60 bilyon.

Ang Department of Energy, katuwang ang Philippine National Oil Company o mga subsidiary nito, ang mangangasiwa sa pagkuha at pamamahala ng fuel reserves.

“A strategic crude oil stockpile is our shield,” ani Escudero. “Every time tensions rise in the Middle East… our economy absorbs the shock within days. We need a national buffer that protects Filipino families and industries from crises happening thousands of miles away.”

Dagdag pa niya, makatutulong ang paglalabas ng reserbang krudo sa panahon ng kakulangan o matinding pagtaas ng presyo upang maprotektahan ang mahahalagang sektor tulad ng transportasyon, agrikultura, at power generation, gayundin upang mapalakas ang posisyon ng bansa sa gitna ng global market disruptions.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.