Sunog sa San Pablo City: 1 patay, 5 nasugatan, 19 pamilyang nawalan ng tirahan

0
827

San Pablo City – Isang sunog ang sumiklab sa Barangay 2-C, San Pablo City, bandang 1:10 ng hapon, ayon sa ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Umabot sa 19 na pamilya o 78 indibidwal ang naapektuhan ng insidente. Isa ang nasawi na kinilalang si Rolando Laguna, 62 anyos. Samantala, lima ang naiulat na nasugatan.

Rumesponde sa sunog ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng San Pablo City, Alaminos, Calauan at Rizal; Seven Lakes Fire Volunteers at Fil-Chi Fire Volunteers; PNP San Pablo; Red Cross San Pablo; mga opisyal at boluntaryo ng Barangay 2-C; at ang City Traffic Management Office at CDRRMO.

Nag-deploy ang CDRRMO ng mobile kitchen at namahagi ng mga modular tents upang tulungan ang mga apektadong residente. Pansamantalang inilikas ang mga residente sa Barangay 2-C Hall, kung saan patuloy ang pamamahagi ng pagkain sa tulong ng Red Cross.

Sa evacuation center, personal na nakipag-ugnayan si San Pablo City Mayor Najie B. Gapangada sa mga naapektuhan at pinangunahan ang agarang tulong. Pinayuhan niya ang mga mamamayan na manatiling maingat at sumunod sa mga alituntunin sa kaligtasan. Kanyang pinapurihan ang lahat ng rumesponde sa insidente para sa mabilis at maasahang pagtugon.

Agad na nagpaabot ng tulong si Laguna 3rd District Congressman Loreto “Amben” S. Amante sa 19 na pamilyang naapektuhan ng sunog. Ani Amante, patuloy ang panawagan sa publiko na maging maingat, lalo na ngayong Abril na Fire Prevention Month. Hinikayat din niya ang lahat na magtulungan para sa mga pamilyang nasalanta. Kasabay nito, tiniyak niya ang pagbibigay ng agarang suporta at tulong para sa kanilang pagbangon.

Ayon sa paunang imbestigasyon, posibleng nagsimula ang sunog mula sa sira o short-circuited na mga electric wires, ngunit patuloy pa rin ang masusing pagsusuri ng mga awtoridad upang tukuyin ang tiyak na sanhi.


Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.