MAYNILA — Napanatili ng Tropical Depression Ester ang lakas nito habang patuloy na kumikilos sa dagat sa silangan ng Taiwan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa pinakahuling advisory, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong humigit-kumulang 300 kilometro hilaga ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang maximum sustained winds na 45 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 55 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilagang hilagang-silangan sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa hilagang bahagi ng Batanes, partikular sa Itbayat, dahil sa posibleng epekto ng malalakas na hangin at pag-ulan.
Samantala, patuloy ding nakakaapekto ang southwest monsoon o habagat sa kanlurang bahagi ng Luzon. Apektado ang Ilocos Region at kanlurang bahagi ng Central Luzon, kung saan inaasahan ang pabugso-bugsong malalakas na pag-ulan ngayong Sabado, Hunyo 6.
Nagpapaalala ang PAGASA sa mga apektadong lugar na manatiling alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na madalas bahain at nasa paanan ng bundok.
Sa kasalukuyan, mino-monitor pa rin ang galaw ng Tropical Depression Ester habang nananatili itong malayo sa kalupaan ngunit may potensyal na magpalakas ng ulan sa hilagang bahagi ng bansa sa mga susunod na araw.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





